Bantay OCW at ang kabalikat ng Marino

NAGSANIB puwersa na ang Bantay OCW at ang Kabalikat ng Marino (KNM) upang higit na paigtingin ang paglilingkod sa ating mga world-class Filipino seafarer.

Naging matagumpay nga ang ginawa naming paglulunsad ngayong Agosto sa radyo at telebisyon. Tuwing araw ng Huwebes, matutunghayan ang “Seaman’s Hour” ng Bantay OCW at Kabalikat ng Marino sa NBN Channel 4, 10:15pm to 11:15pm at sa Radyo Inquirer 990 DZIQ AM tuwing 7:00pm-8:30pm.

Sa pangunguna nina KNM President Leo Santiago at Secretary Capt. Edwin Itable, hinikayat nila ang mga moog sa industriya ng maritima na magsama-sama at magkaisa sa ngalan ng tapat na pagbibigay serbisyo sa ating mga seafarer.

Pangunahing isusulong nga ng palatuntunang ito ang pagkakaroon ng Single Maritime Agency na sa kasalukuyan ay may 13 ahensiya pala ng ating pamahalaan ang iniikutan ng ating mga seafarer sa pagkuha lamang ng mga kinakailangang lisensiya at pagsasanay bago pa tuwirang makasakay ng barko.

Bukod pa diyan, higit na ikinatuwa ng Bantay OCW na makitang may pagkakaunawaan sa hanay ng industriyang ito sa pagtataguyod ng kagalingan at tanging interes lamang ng ating mga mandaragat.

Na anumang problema, hangga’t maaari, hindi na kailangan pang may mga abogadong mamamagitan, sapagkat palaging handa naman ‘anya nilang tugunan ang kanilang mga obligasyon, lalu pa’t naging instrumento ang Bantay OCW na maging takbuhan ng ating mga seaman at pumagitna sa mga usaping ito.

Sang-ayon din naman kami sa posisyong ito. Sa halip na nababawasan pa ng napakalaking halaga ang pamilya ng ating mga seaman dahil napupunta sa serbisyo ng kanilang mga abogado, gayong tutugon at tutugon naman ang kanilang mga manning agency, malaking tulong ito na hindi na mababawasan ang kanilang mga money claim, at sa halip magagamit pa ng pamilya sa mas mahahalagang bagay, katulad na lamang sa mga kaso ng mga seaman na nangamatay sa mga hindi inaasahang pangyayari. Malaking kabawasan din nga naman ang porsyentong hinihingi ng mga abogado na puwedeng kahit wala sila ay makukuha at makukuha din naman ng pamilya ang mga benepisyong iyon.

Kasama din natin sa Seaman’s Hour sina Rear Admiral Adonis Donato ng OSM Maritime Services, Capt. Ronaldo Enrile at Engr. Peter Lugue ng Philippine Transmarine Carriers, Inc. (PTC), Capt. Rodolfo Aspillaga ng Masters & Mates Association of the Philippines (MMAP) sa  pakikipagtulungan ng Maritect, Argonaut, SBR Maritime Services, CF Sharp, Protect at ni PTC Director Christina Salinas Manzano.

At para naman sa mga kahilingan, reklamo at karaingan ng ating mga seafarer, magtungo lamang sa Radyo Inquirer 990 AM Studio sa Media Resource Plaza Building, Mola cor. Pasong Tirad St., Makati City, tuwing araw ng Huwebes 7-8:30pm.

Maaari din kayong makipag-ugnayan sa Bantay OCW Foundation Operations Center sa 535.7209, 881.9423 at 0919.214.0699. Ang aming address: 631 Shaw Boulevard, Mandaluyong City.

Nakakulong sa Damman, KSA

Tumakas sa kanyang employer ang ating OFW na si Domingo Burayag dahil sa labis-labis na oras pagtatrabaho nito. Ayaw naman niyang magpatago-tago kung kaya’t nagpasiya siyang sumuko sa mga pulis.

Nasa Jawassat Deportation na siya ngayon kung kaya’t agad namang nakipag-ugnayan ang Bantay OCW kay Labor Attache Adam Musa ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) ng Dammam, at ayon sa kanya nakikipag-ugnayan na siya sa employer ni Burayag upang hilinging bigyan na lamang ito ng exit clearance at makapag-apply na ng kanyang exit visa. Aasahan natin ang mabilis na pagsasaayos sa pagpapauwi kay Burayag.

Maraming salamat po sa inyo Labatt Musa.

Sabwatan ng manager at sponsor laban sa OFW sa Oman

Galing ng Oman si Reynaldo Cabreza at reklamo niya, wala ‘anya siyang natanggap na sahod nang tumanggi siyang ilipat sa ibang Syrian employer. Nagawa ring ipakulong siya ng kanyang employer sa Abu-Dhabi at kinuha ang kanyang mga personal na gamit, pati na ang kanyang kotse.

Kasalukuyang kinukumpleto na ni Reynaldo ang mga kinakailangang dokumento tulad ng kaniyang orihinal na kontrata, visa, pasaporte at iba pa upang magsagawa ng imbestigasyon ang ating mga katuwang mula sa Integrated Bar of the Philippines (IBP).

Nakikipag-ugnayan naman ang Bantay OCW sa ating Philippine Embassy sa Oman hinggil sa reklamo ni Reynaldo laban sa kanyang sponsor na si Mohammed Said Ali Kurbhass at Manager na si Mr. Walled.

Pumanaw na OFW Al-Qassim, KSA

Hinihiling ni Josefina Capa Clarin na maiuwi sa lalong madaling panahon ang bangkay ng kapatid na si Benedicto Capa na pumanaw noong Agosto 5, 2011 dahil sa high blood. Agad namang nakipag-ugnayan ang Bantay OCW kay Undersecretary Esteban Conejos sa Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs ng Department of Foreign Affairs (DFA-OUMWA).

Ayon kay Desk Officer Mayeth Casaysayan, kasalukuyang pinoproseso na ang mga dokumento ni Benedicto upang mapauwi na ang mga labi nito sa Pilipinas.

BANTAY OCW PROGRAMS:
Telebisyon: NBN Channel 4 (Monday to Friday 10:10pm -11:10pm)  www.ptni.tv
Radyo: Radyo Inquirer 990 DZIQ AM  (Monday to Friday 7:00-8:30pm) www.dziq.am
Bantay OCW Foundation Operations Center (Monday to Friday 8:00-5:00pm), 631 Shaw Boulevard, Mandaluyong City
Telephone Numbers:  5357209, 8819423 at 09192140699.
Email: susankbantayocw@yahoo.com  / bantayocwfoundation@yahoo.com.

 

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply