Basketball court ng ospital gagawing ward

DAHIL sa dumaraming bilang ng mga may dengue nililinis na ng pamunuan ng Quirino Memorial Medical Center ang basketball court nito na magsisilbing pansamantalang pedia ward ng ospital para paglagyan ng mga pasyente.

Ayon kay Ligaya Lora, assistant chief nurse ng QMMC, 249 na mga bata na ang nagsisiksian sa pedia ward ng pagamutan at ang 104 dito ay pawang tinamaan ng dengue.

Sinabi pa ni Lora, covered court naman ang kanilang basketball court at nagamit na nila itong ward noong manalasa ang bagyong Ondoy noon.

Anya, may mga nakaantabay na rin silang folding bed na pansamantalang mahihigaan ng mga pasyente na karamihan ay mula sa Antipolo, Montalban at Marikina bukod sa mga taga-Quezon City.

Sinabi ni Lora na sa QMMC dinadala ang mga pasyente mula sa Antipolo, Montalban at Marikina dahil walang pedia ward ngayon ang Amang Rodriguez Hospital sa Marikina dahil kasalukuyang under construction ito.

Nilinaw rin ni Lora na bagamat dagsa na ang kanilang mga pasyante at siksikan na, wala silang karapatan na tanggihan at hindi tanggapin ang mga ito.

Pinipilit na lamang aniya ng kanilang hanay na mag-over time at humugot ng mga doctor at nurse mula sa ibang departmento para matugunan ang karamdaman ng mga pasyente.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply