Bilang ng turista tumaas – DOT

IPINAGMALAKI ng Department of  Tourism  (DOT) tumaas ang bilang ng foreign tourist na bumibisita sa Pilipinas sa kabila ng pananatili ng bansa sa black travel advisory ng China .

Batay sa ulat ng DoT,  tumaas ang bilang ng mga turista sa Pilipinas at patunay rito ang 3.7 million foreign tourists na naitala sa bansa sa unang taon ng administrasyong Aquino.

Inihayag ngayon ng DoT na may mga programa na inilunsad ang kagawaran para tiyakin ang kaligtasan ng mga turista.

Ito ay kaugnay na rin sa madugong hostage taking incident sa Quirino Grandstand noong nakalipas na taon kung saan walong Chinese tourists ang namatay.

Sa loob ng isang taon mula nang maganap ang insidente ay tinutukan umano ng DOT ang ang Tourism Oriented Police Program (TOP COP).

Ang mga pulis umano na nasa ilalim ng nasabing programa ay isinailalim nila sa pagsasanay sa customer relations, cultural sensitivity, emergency response at language training.

Naipakalat na umano ang mga TOP COP sa 12 mga lugar sa bansa na madalas dayuhin ng mga turista kabilang na ang Metro Manila.

Una rito, muling pinaalalahanan ng Hong Kong government ang mga mamamayan nito na nanatili pa rin ang kanilang travel ban sa pagtungo sa Pilipinas.

Samantala hinimok naman  ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga Local Government Units (LGUs) sa bansa para suportahan ang kampanya ng Puerto Princesa Underground River (PPUR) na makapasok sa new Seven Wonders of Nature (n7wn).

Ito’y matapos ang pakiusap ni DILG Secretary Jesse Robredo sa lahat ng local executives na maglagay ng mga PPUR tarpaulins sa bawat syudad o municipal halls at mga kilalang lugar gayundin ang pamamahagi ng mga flyers.

Ito’y kasunod ng ipinalabas na Presidential Proclamation no. 182 na nagdedeklara ng local international promotion para sa PPUR bilang isa sa new seven wonders of nature.

Nabatid na ang 8.2 kilometrong underground river ay puntahan ng mga turista sa buong mundo at makikita rito ang mga limestone formations ng stalactites at stalagmites, at tubig na dumadaloy patungong West Philippine Sea. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply