BIR at dorobong propesyonal

IPINAGLUKSA ng mga estudyante at militante sa ilalim ng tikatik na patak ng ulan ang 2nd SONA – State of the Nation Address ng Pangulong Noynoy kamakailan lamang.

Tinatayang mahigit sa anim na libong demonstrator ang nagrali sa St. Peter’s Church, halos tatlong libo naman ang nagpakita ng suporta kay PNoy malapit sa Batasang Pambansa, kapwa sa lungsod ng Quezon.

Ikinalungkot at naghimutok ang mga estudyante dahil sa binawasan ang pondo para sa SUCs o State Universities and Colleges.

Binatikos naman ng samahan ng mga magsasaka si PNoy dahil sa hindi pamamahagi ng lupa sa mga walang lupa.

Lupa ang kanilang kailangan at hindi referendum na iniutos ng Korte Suprema sa kaso ng Hacienda Luisita.

Sa referendum, kasama ng lupa ang stock certificate ang pagpipilian.

Dumaraing ang mga magsasaka ng gulay sa bahagi ng CARAGA region sapagkat walang mga feeder road upang madala ang mga gulay sa palengke at masakit na raw ang kanilang tiyan sa araw-araw na pagkain ng nilagang sayote at kamote.

Matinding kahirapan pa rin ang krus na pinapasan ni PNoy.

Kahit na sinong Pangulo ay hindi malulutas ang talamak na kahirapan sa gabi ng isang magdamag.

Kung tutuusin, maraming pera ang gobyerno – bilyon-bilyong piso ang natipid dahil sa mahusay at maayos na fiscal management. Dapat na ito’y gastusin para naman umangat ang pamumuhay sa  ating mga kanayunan.

Higit na madaragdagan ang pondo ng gobyerno kung magbabayad lamang nang tamang buwis ang mga professional, tulad ng mga doktor at abogado.

Biruin mo, ayon kay PNoy, ang ibinabayad ng mga ito sa loob ng isang taon ay halos limang libong piso lamang.  Hello?

Aba naman – sobra na ang panloloko at pagsasamantala ng sektor na ito ng  lipunan.

Ito ang dapat tutukan at sampulan ng BIR – Bureau of Internal Revenue nang matakot ang mga dorobong tax-evader.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply