Bongga Si Mark Bautista!

VERY impressive si Mark Bautista bilang Crisostomo Ibarra sa “Noli The Musical” ng Tanghalang Pilipino. May dignidad n’yang naisakatawang-tao ang isa sa pinakamemorableng literary character sa Philippine Literature.

Romantic hero si Crisostomo Ibarra both in the literary and pop culture sense. Dakila siyang mangingibig. Mapusok at mabalasik siyang tao at lumalambot lang kapag kaharap n’ya si Maria Clara. Pwedeng panteleserye si Crisostomo Ibarra, kahit na para siyang walang sense of humor at all!

Pero sa direksyon ni Audie Gemora, dramaturgy ni Rody Vera, musika ni Ryan Cayabyab, may isang eksena sa pagtatanghal na nilagyan siya ng sense of  humor. Ito ay nung ex-communicated na siya, pinagbawalan nang makipagkita kay Maria Clara (na nakakabilib ding ginampanan ni Cris Villonco), pero sumugod pa rin sa bahay nina Maria Clara habang may hawak na mga bulaklak na nakatakip sa mukha n’ya, at kumilos siya nang pa-kenkoy para di siya makilala ni Kapitan Tiyago (ang nakilalang ama ni Maria Clara). Nasa bahay din nina Maria Clara ang pekeng doktor na Kastila na si Don Tiburcio Espadaña at ang lukaret n’yang asawang Filipina na si Doña Victorina. True to the spirit of the national hero’s novel, nagiging komedya ang eksena tuwing papasok ang mag-asawang loka na ginampanan nina Aireen Antonio at Garry Lim.

Bagay na bagay ang napaka-masculine na powerful voice ni Mark sa katauhan ni Crisostomo bagama’t parang ang ginamit pa rin n’yang vocal technique ay yung pang pop singing, di yung pang-opera o pang-Broadway musical. Dahil sa second row ng Little Theater kami pinaupo ng PR consultant ng show na si Toots Tolentino, madali naming napuna na may mga pagkakataong lumalaki ang mga litid ni Mark sa pagkanta ng mga pinakamatataas na nota. Hindi ganu’n kumanta ang mga nag-training ng mahabang panahon para mag-perform sa mga musical.

Ubod-taas din ang ilan sa mga linya ng mga kanta ni Cris Villonco pero hindi lumalaki ang mga litid n’ya sa leeg. Panteatro talaga si Cris na apo ni Armida Siguion Reyna (anak ni Armida ang ina ni Cris).

Mahabang nobela ang Noli Me Tangere, at maraming interesting characters, at kung nakalimutan n’yo na ang mga iyon, talagang dapat lang na panoorin n’yo ang pagtatanghal na ito na kagila-gilalas na nalagum ang karamihan sa pinakamahahalagang mga pangyayari at tauhan sa Noli, pati na ang may ketong (o leproso).

Kung nakuha ng produksyong ito ang pagmamalupit at pang-aabuso ng mga prayle, naisa -katawan din nito ang pagkahumaling ng mga Pilipino sa mga piyesta, pagsasaya, pag-awit at pagkanta. Pati na rin ang kawalan nila ng puso para sa mga nabaliw ng pang-aapi at paghihikahos na gaya ni Sisa. O sa mga sinamang palad na nagkaketong. Halos walang dance sequences sina Mark at Cris sa produksyon. Ang pinasayaw nang husto ay yung mga taumbayan na ginampanan ng mga beteranong aktor at aktres sa dulaan. Very engaging din naman ang choreography ni Agnes Locsin.

Sa pagbabasa na lang nga pala ng souvenir program ng produksyon namin napag-alaman na ang direktor pala nito na si Audie Gemorra ay siyang kauna-unahang gumanap sa Noli The Musical bilang Crisostomo 18 taon na ang nakakaraan.

Isa pang kamangha-manghang nadiskubre namin sa pagbabasa ng souvenir program ay ang pangyayaring ang understudy ni Cris bilang Maria Clara ay si Angeli Bayani na siyang gumaganap na baliw na Sisa. Ibig sabihin ng pagiging understudy ay kapag di-makakapag-perform si Cris bilang Maria Clara, si Angeli ang gaganap. That also means na napakahusay na aktres nitong si Angeli at kayang-kaya n’yang gumanap ng isang luka-lukang takbo nang takbo at gala nang gala at isang babaing napakahinhin at parang madreng lagi lang nasa bahay at lumalabas lang para magsimba. Walang singing part si Sisa sa musical na ito. In fact wala rin siyang dialogue. Pero markado ang character n’ya at matindi ang stage presence ni Angeli kaya’t siguradong mapupuna n’yo si Sisa tuwing nasa entablado siya.

Ka-alternate nga pala ni Mark si Gian Magdangal bilang Crisostomo. Palabas pa ang Noli Me Tangere (The Musical) sa CCP hanggang sa huling weekend nitong Agosto. Tumawag sa CCP trunkline 832-11-25 para sa iba pang detalye. O mag-log on sa www.tanghalangpilipino.org.ph.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply