Bookeeper ni FG dedesisyunan na ng Senado

DEDESISYUNAN na ng Senate Blue Ribbon committee sa Huwebes kung makalalaya o mananatiling nakakulong ang bookkeeper ni dating first gentleman Mike Arroyo hinggil sa pagsisinungaling nito sa isinasagawang imbestigasyon sa PNP chopper scam.

Ayon kay Sen. Teofisto Guingona III, magdedesisyon bukas ang miyembro ng komite kung patuloy na idedetine sa Senado si Rowena del Rosario,  bookkeeper ni dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo sa LTA Inc.

Sinabi ni Guingona, chairman ng komite, na kabilang sa pag-uusapan ngayon ng komite ay ang apela ng kampo ni Rowena del Rosario na makasama na ito ng kanyang pamilya matapos ang pagkakakulong sa detention house ng Office of the Senate Sgt. At Arms(OSAA) mula pa noong Lunes.

Ayon kay Guingona, maaaring palayain na nila si del Rosario o tuluyang ikulong kung patuloy pa ring pagtatakpan si Mike Arroyo sa kinasasangkutan nitong chopper scandal ng Philippine National Police (PNP).

Iginiit naman ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na kanyang pag-aaralan ang dokumento at minutes ng pagdinig upang tignan kung nilabag ng komite ang karapatan ni Del Rosario ngunit nanindigan ang senador sa pagsisinungaling ng naturang testigo.

Aniya, nakatakda siyang dumalo sa Huwebes upang “tulungan” ang komite na makapagdesisyon base sa umiiral na batas at kapangyarihan ng Senado na magdeteni ng nagsisinungaling na testigo.

“Bibigyan namin siya nang patas na pagtingin,” ayon kay Escudero.

Matatandaan na idiniin ni businessman Archibald Legaspi Po, presidente ng Lion Air Inc., si Mike Arroyo bilang may-ari ng limang helicopter na binili noong 2003, dalawa dito ay binenta bilang brand new sa PNP noong 2009.

Makalipas ang isang linggo ay inilabas naman ni Negros Occidental Rep. Ignacio “Iggy” Arroyo ang lease agreement umano niya sa Lion Air Inc. para sa pagrenta ng limang helicopter sa loob ng dalawang buwan noong 2004.

Si del Rosario ay isinalang sa imbestigasyon ng komite nitong Lunes subalit nairita lamang sa kanya ang mga senador matapos nitong pagtakpan ang kanyang among si Mike Arroyo sa pagsasabing ang boss niya ay si Iggy, kung saan ito rin umano ang nagbibigay ng pera bilang renta sa limang helicopter.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply