Bumastos kay Kristo sa art exhibit ipapako sa krus

INAASAHANG “ipapako sa krus” ng Senado ang pintor na nagsagawa ng bastos na art exhibit sa Cultural Center of the Philippines (CCP) na sinasabing lumapastangan sa Kristiyanismo sakaling simulan ang pagdinig sa kontrobersiyal na “Kulo” exhibit.

Nanggigigil na si Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada na makaharap ang artist na si Mideo Cruz dahil sa diumano’y pambabastos nito sa imahe ni Hesukristo matapos na lagyan nito ng ari ng lalaki ang ulo nito bilang bahagi ng kanyang artwork na “Poleteismo” sa pinatanggal na exhibit ng CCP.

“Gusto kong komprontahin itong sugo ni Satanas!,”panggagalaiti ni Estrada.

Alas 9:30 na umaga bukas, Martes, magsisimula ang imbestigasyon ng senate committee on education, arts and culture na pinamumunuan ni Sen. Edgardo Angara katuwang ang senate committee on public information and mass media ni Sen. Gregorio Honasan.

Pinahaharap ng komite sa hearing sina CCP president Emily Abrera, chairman Raul Sunico at mga board member na sina Florangel Rosario-Braid, Jaime Laya, Arsenio Lizaso, Isabel Wilson, Zenaida Tantoco, Cristina Turalba,Antonio Yap at Carolyn Espiritu.

Inimbitahan din ng komite ang mga kinatawan ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) sa pangunguna ni Cebu Archbishop Jose Palma at Monsignor Joselito Asis.

Habang sinusulat ang balitang ito, hindi pa nagbibigay ng kumpirmasyon si Cruz kay Bernadine Mahinay, committee secretary, kung makakadalo ito sa pagdinig ng joint committee ngayong umaga.

Matatandaan na iginiit nina Estrada at Senate President Juan Ponce Enrile ang pagbibitiw ng mga opisyal ng CCP dahil sa pagpapahintulot ng artwork ni Cruz na makasali sa Kulo Exhibit. Itinutulak naman ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III ang pagtapyas sa panukalang budget ng CCP para sa taong 2012.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply