BURLESK KING (Pwede Tingin, Bawal Salingin) Ika-30 labas

SABAY-SABAY na nagtayuan ang mga tambay sa tindahan dahil sa malakas na sigaw ni Aling Minda nang makitang isasakay na ni Hazel sa kotse ng kalaguyo na si Joven ang anak na si Angel.

Kalugar din nila ang driver ng tricycle na sinakyan ng matandang babae kaya karaka naman niyang iniharang ang tricycle sa unahan ng sasakyan nina Joven at Hazel.

Kasunod nito, mabilis na pinalibutan ng mga tambay ang kotse.

“Saan ninyo dadalhin si Angel? Alam ba ni Joseph na isasama ninyo siya?” mataray na tanong ni Aling Minda sa magkalaguyo.

“Tulog ang tatay niya kaya hindi namin naipagpaalam. Ipapasyal ko lang ang anak ko at kakain kami sa labas tapos ay ibabalik na namin dito,” dahilan ni Hazel.

“Tatangayin ninyo siya nang hindi alam ng ama. Paano kung hindi na ninyo siya ibalik? Hindi ninyo siya puwedeng isama!” mataray na sabi ni Aling Minda at inagaw ang bata sa kamay ni Hazel.

“Ako ang ina niya. Wala na ba akong karapatan sa anak ko?” nagtataray na ring sagot ng ina.

Umismid ang matandang babae.

“Pagkatapos mo silang iwanang mag-ama para sumama sa ibang lalaki, ang lakas ng loob mong tawaging anak si Angel? Hindi ka niya kailangan dahil kaya siyang buhayin ni Joseph. O baka naman ikaw ang may kailangan sa asawa ngayong malaki ang kita niya at ginagamit mo lang dahilan ang bata?” nakaismid na sabi ni Aling Minda.

“Ang sama ng tubo ng dila mo, matanda ka! Kung wala ka lang sa lugar na ito, kanina ko pa binunot ang dila mo!” galit na sabi ni Hazel.

Dahil sa pagkakagulo nila, nagising si Joseph sa loob ng apartment.

Pakapa-kapang lumabas siya ng kuwarto.

Diretso sa labas …

“Parang may gulo rito. Ano ba ang problema, Aling Minda?” tanong ng bulag na macho dancer.

“Ang anak mo, tatangayin sana ni Hazel kung hindi ako dumating,” mabilis namang sumbong ni Aling Minda kay Joseph.

Galit na biglang nagtaas ng boses ang bulag.

“At bakit niya dadalhin ang anak ko? Simula nang iwan niya kaming mag-ama kung kailan kailangang-kailangan namin siya, wala na siyang karapatan kay Angel!” galit na sabi ni Joseph.

“Narinig mo ang sinabi niya! Ano pa ang hinihintay ninyo?” sabi ni Aling Minda kay Hazel.

“Batsi na kayo!” biglang sabad ng isang tambay. “At huwag na kayong babalik dito kundi’y malilintikan kayo sa amin!”

Napilitang sumakay na sa kotse si Hazel.

Nang alisin ng driver ang nakaharang na tricycle sa unahan, umalis na sina Joven.

“Pahamak na matanda. Kung hindi siya dumating, natangay na sana natin si Angel,” sabi ng babae.

“Marami pang pagkakataon,” sagot naman ni Joven. “Puwede bang hindi sila makalingat.”

Malayo na sila nang masinsinang kausapin ni Joseph ang anak.

“Sa susunod, huwag na huwag kang lalapit at makikipag-usap sa iyong ina. Hindi ka niya mahal. Dahil kung love ka niya, hindi niya tayo iiwan at pababayaang maghirap. Wala siyang mahal kundi ang sarili niya. Dahil para hindi mahirapan, sumama siya sa ibang lalaki,” sabi ng bulag kay Angel.

Nangako naman ang bata.

“Pramis, itay. Lalayo na lang ako kapag nakita ko ang inay!” sabi ni Angel.

Pumasok na sila sa loob ng bahay.

SAMANTALA, nasa magara nilang bahay si Glenna.

Nag-iisip …

Hindi niya matanggap na tinanggihan ni Joseph ang magandang buhay na iniaalok niya.

Nangingiti na napailing-iling ang dating policewoman.

Kahit bulag ang una, may pride.

Tumaas tuloy ang paghanga niya kay Joseph at lalong lumaki ang kanyang hangarin na matulungan ang mag-ama.

Nagdesisyon ang dalaga.

Pupuntahan niya si Joseph sa gaybar mamayang gabi.

Mag-isa lang siyang lalakad para makausap niya ng sarilinan ang bulag na macho dancer. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply