BURLESK KING (Pwedeng Tingin, Bawal Salingin) Ika-24 labas

NAIWANG problemado si Joseph. Paano na sila ngayong mag-ama ni Angel ngayong iniwan na sila ni Aris?

Bukod sa tinangay niya ang kanyang pera, ang bading ang kanyang pinakamata.

Mistula siyang pinutulan nito ng kanang kamay bago iniwan sa gitna ng dilim.

Problemado rin si Aling Minda.

Bigla kasing napaatang sa kanyang mga balikat ang pag-aasikaso sa mag-ama dahil sa pagtalilis ni Aris sa kanyang obligasyon.

Hindi naman niya kayang pabayaan ang mga ito.

Naaawa sa bulag na si Joseph at anak na si Angel na wala pang kamuwangan sa lupit ng buhay.

“Ngayong wala na si Aris, wala ng titingin sa inyong mag-ama.
Mapipilitan kayo na sa apartment ko na tumira,” sabi ni Aling Minda.

Naluha sa awa sa sarili at hiya sa matandang babae si Joseph.

“Kung wala ka, Aling Minda, paano na kaya kaming mag-ama?” sumisinghot na tanong ng lalaki.

“Okey lang iyon. Wala naman akong choice kundi tulungan kayo kundi’y susurutin ako ng aking konsensiya habambuhay kapag pinabayaan ko kayo,” sagot naman ng matandang babae.

Isinama na ni Aling Minda ang mag-ama sa kanyang apartment.

SAMANTALA, sa magarang mansiyon nina Glenna tumuloy si Alan.

Dito ang usapan nila ng dalaga na magkikita dahil uuwi na siya mula sa kanilang bahay-bakasyunan.

Nang dumating sa mansiyon si Alan, narito na si Glenna.

Nasa pool …

Nagbababad sa tubig ang dalaga.

Palangoy-langoy …

Nang makita niya si Alan, karakang umahon sa tubig ang dating policewoman.

Nagsuot ng robe …

“Kumusta na si Joseph? Kailan daw niya balak na ipa-opera ang kanyang mga mata?” tanong ni Glenna.

“Masama ang nangyari, iha,” pailing-iling na sagot ni Alan.

“May masamang nangyari kay Joseph?” kunot-noong tanong ng dalaga.

“Okey lang siya. Sa perang ibinayad mo sa kanya na iningatan ni Aris may nangyari!”

“A-Ano ang ibig mong sabihin? Linawin mo nga!”

“Itinakbo ni Aris ang pera! Kawawa naman ang mag-ama. Wala ng pera, wala na ring magdadala sa kanya sa gay bar para maghanapbuhay!”

Biglang nag-isip si Glenna dahil sa nalaman.

“Gusto ko siyang tulungan. Ihanap mo ako ng apartment na titirahan nilang mag-ama. Kumuha ka na rin ng tao sa agency na puwede nilang makasama,” utos ng dalaga kay Alan.

“Nakakahalata na ako sa iyo. Parang sobra ang malasakit mo kay Joseph. Magaling ba siya kahit bulag?” malanding tanong ni bading.

Biglang umasim ang mukha ng dalaga.

“Saan mo gustong patamaan kita ng bala? Sa butas ng ilong o sa pagitan ng mga mata?” pormal na tanong ni Glenna.

“Huwag ka nang magpagod. Susundin ko na ang utos mo!” nakairap at palandi-landing sabi ni Alan at umalis na.

Nang dumating ang gabi, tulog na si Angel pero hindi pa rin dalawin ng antok si Joseph.

Natutuwa siya dahil sa pagdamay ni Aling Minda pero hanggang kailan iyon?

Paano kung magsawa na ang matandang babae sa pagtulong sa kanilang mag-ama?

Ang isa pang isipin na nagpapabigat ng kanyang loob, paano na ang pangarap niyang makakita?

Paano na rin ang hangarin niya na mabigyan ng magandang kinabukasan ang anak na si Angel?

Dasal niyang sana’y makabalik siya sa gaybar para maituloy ang kanyang pagsasayaw.

Pero paano siya makakabalik ay bulag siya bukod pa sa hindi niya alam kung saan ang lugar na iyon?

SAMANTALA, nagsisimula na ang show sa gaybar na pinagtatrabahuhan ng una.

Nagrereklamo ang mga kostumer …

Hinahanap nila si Joseph.

Kahit marami namang guwapo at makisig na macho dancer, ang bulag na binansagang ‘burlesk king’ pa rin ang hinahanap nila. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply