BURLESK KING (Pwedeng Tingin, Bawal Salingin) Ika-34 labas

“WALA iyon! Matuwa ka dahil hinintay kita para ihatid sa inuuwian mo at hindi para ikulong,” biro ni Glenna kay Joseph.

Malakas na natawa si Dondon.

Hindi naman umimik ang bulag.

Tulad ng nakagawian ni Joseph, bago sila dumeretso ng uwi ay pinahinto muna niya ang kotse sa isang pansiterya.

Inutusan niya si Dondon na magpaluto ng pansit at pinabili ng hot pandesal para ipasalubong kay Angel.

“Mahal na mahal mo pala ang anak mo,” sabi ni Glenna kay Joseph.

“Siya ang dahilan kung bakit gusto kong makakita. Kung mananatili akong ganito, hindi ko siya mababantayan at mabibigyan ng magandang kinabukasan,” sagot ng una.

“Ganun naman pala pero bakit ayaw mong tanggapin ang offer ko?” tanong ng dalaga.

“Malapit na. Pinag-iisipan ko na, Mam!” tugon ni Joseph.

Napangiti ang babae.

“Bilisan mo ang pagdedesisyon para makakita ka kaagad,” maya-maya’y sabi ni Glenna.

Naputol ang kanilang pag-uusap nang bumalik na sa sasakyan si Dondon.

“Ang sarap nito. Espesyal ang ipinaluto ko. Tiyak na matutuwa si Angel,” masayang sabi ng alalay.

“Baka naman para sa bata lang ang ipinaluto mo? Paano na tayo … si Mam Glenna?
Hindi pa niya natitikman kung gaano kasarap ang luto sa pansitan ni Beho!” sabi ni Joseph.

“Siyempre’y ilang order ang ipinaluto ko. Nagugutom na rin yata ako,” sagot
naman ni Dondon.

Nagkatawanan sila sa loob ng sasakyan.

Nang dumating sila sa apartment ni Aling Minda, hindi kaagad pinaalis ni Joseph si Glenna hangga’t hindi kumakain ng mainit na pansit.

Pinapasok muna niya ang dalaga sa apartment.

Karaka namang ginising ni Aling Minda si Angel.

Para silang nag-noche buwena.

Salo-salo sila sa mainit na pansit, hot pandesal at mainit na kape.

Enjoy na enjoy naman si Glenna sa pagsalo sa mag-ama.

“Tama ang sabi mo. Masarap pala ang lutong pansit kay Beho,” tuwang-tuwang sabi ng dating policewoman.

Nang mabusog, saglit lang na nagpahinga si Glenna at nagpaalam na sa mag-ama.

Humabol sa kanya si Angel.

“Tita, balik ka rito, ha!” malambing niyang sabi.

Binalikan niya ang bata at niyakap.

“Pangako, babalikan ko kayong mag-ama,” sabi niya.

Matapos ang sinabi ay sumakay na sa kanyang kotse ang dalaga at umuwi na.

NANG araw na iyon, busy si Aling Minda sa paglalaba sa likod bahay.

Tulog naman si Joseph sa kuwarto.

Nasa salas si Angel at naglalaro.

Nang tawagin siya ng kapitbahay na si Faye para maglaro sa labas.

Dahil bata, nakalimutan niya ang bilin ng ama at ni Aling Minda na huwag lalabas nang walang kasama.

Lumabas siya ng gate at nakipaglaro sa batang kapitbahay.

Nang isang kotse ang biglang huminto sa kanyang tapat.

Bumaba ang isang lalaki at mabilis na dinagit si Angel.

Malakas na nagsisigaw si Faye pero dahil sa nasa labas ay walang makarinig sa loob.

Hangos siyang pumasok sa apartment at pinuntahan si Aling Minda sa likod-bahay at nagsumbong.

Parang hihimatayin ang matandang babae nang malamang may dumukot kay Angel.

Hangos niyang ginising si Joseph.

Gimbal din ang bulag sa nalaman.

Pero dahil sa kalagayan ay hindi malaman ang gagawin.

Natulala siya sa pagkabigla.

Si Joven ang nagpadukot sa bata.

Tuwang-tuwa siya nang dalhin na sa kanilang tinutuluyan ng mga inupahan si Angel.

Tigas na iyak naman ng una.

Galit na galit siya ng makita ang ina.

“Bad kayo! Bad!” umiiyak niyang sabi. ITUTULOY

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply