Kasong car theft, homicide ipinasasampa sa Dominguez brothers

INIREKOMENDA ng Department of Justice (DoJ) ang pagsasampa ng kasong car theft with homicide sa magkapatid na Roger at Raymond Dominguez, itinuturong lider ng car theft syndicate at sinasabing reponsable sa pagpatay sa car dealer na si Emerson Lozano.

Sa resolusyon na inilabas kanina, nakitaan ng DOJ ng probable cause para sampahan ng kasong car theft with homicide ang mga suspek, sa kabila nang ang isinampang kaso ng pamilya Lozano ay car theft at murder.

Kinumpirma naman ni Prosecutor General Claro Arellano na walang piyansang inirekomenda ang DoJ.

Ang magkapatid na Dominguez ang itinuturo ng pamilya Lozano na utak sa pagpatay kay Emerson, anak ng dating abogado ni Pangulong Ferdinand Marcos na si Oliver Lozano.

“Emerson Lozano was killed in the course or occasion of the carnapping. He was mercilessly, unexpectedly, suddenly and treacherously shot with intent to kill and without any opportunity to defend himself… He was burned almost beyond recognition,” nakasaad sa complaint affidavit ng pamilya ng biktima.

Sina Emerson at driver nito na si Ernani Sencil ay huling nakitang buhay noong Enero 12 habang nakikipagnegosasyon sa isang prospective buyer ng Kia Carnival van sa Quezon City.

Ang bangkay ni Sencil ay nakita sa Tarlac province, habang ang bangkay ni Lozano ay natagpuan sa Pampanga.

Bukod sa pagpatay kina Lozano at Sencil, ang Dominguez Carnapping Syndicate din ang sinasabing nasa likod ng pagpatay sa isa pang car dealer na si Venson Evangelista.

Kasalukuyang nakapiit sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang magkapatid na nahaharap pa sa hiwalay na kasong murder sa pagpatay naman kay Evangelista. Ang nasabing kaso ay naka-pending sa Quezon City Regional Trial Court.

Nauna na ring itinanggi ng magkapatid na Dominguez ang krimen at hiniling sa DOJ na idismis ang kaso dahil sa kawalan ng matibay na ebidensiya.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply