CBCP: Political will, di Cha-cha, ang solusyon

NANINDIGAN ang ilang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na ang pagkakaroon ng “political will” sa pagpapatupad ng batas, at hindi ang Charter change (Cha-cha), ang solusyon sa mga problemang kinakaharap ngayon ng bansa.

Ayon kay Tagbilaran Bishop Leonardo Medroso, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Cannon Law, hindi Cha-cha ang paraan para umunlad ang bansa kundi ang pagkakaroon ng sapat na kakayahan ng isang Pangulo na ipatupad ang itinatakda ng Konstitusyon.

Giit ni Medroso, maraming magagandang batas ang makatutulong sa pagpapaunlad sa buhay ng mga Filipino, subalit hindi ito naipatutupad nang maayos ng pamahalaan.

Gayunman, kung may economic policies aniya na hindi na angkop sa kasalukuyang panahon, hindi na ito dapat pang idaan sa Cha-cha kundi amyendahan na lamang ang mga batas.

“At this stage, malabo at hindi kailangan ang Cha-Cha. We have so many many good, good laws. Implementation na lamang ang kailangan diyan,” ayon kay Medroso, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Anito: “Kailangan lang na magkaroon ng political will ang pamahalaan na ipatupad ang mga batas natin.”

Inamin ni Medroso na may ilang batas na kailangang palitan dahil hindi na naaangkop sa kasalukuyan, “but that can be done through amendments.”

Sa panig naman ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-National Secretariat for Social Action Justice and Peace (NASSA), binigyang-diin nito na hindi Cha-cha ang sagot sa problema ng bansa dahil hindi pa naman aniya naipapatupad ng may political will ang 1987 Constitution.

“Hindi Charter change ang makatutugon sa problema natin. Hindi pa nga naipatutupad natin ang Saligang Batas,” ani Pabillo.

Inihalimbawa nito ang pagbabawal ng Saligang Batas ng political dynasty na “hindi naman nila napatutupad.”

Tinukoy din ng obispo ang freedom of information, na umano’y “wala namang nangyayari.”

“So, unahin munang ipatupad bago palitan,” ani Pabillo.

Naniniwala ang obispo na hindi dapat pakialaman ng mga mambabatas ang Saligang Batas, bagkus ipatupad ito ng maayos para mapakinabangan ng mga mamamayan.

“Hindi napapanahon ang Chacha hangga’t hindi nagkakaroon ng political will ang pamahalaan maging ang Kongreso natin,” ani Pabillo.

Pinayuhan naman ni Cotabato Auxiliary Bishop Jose Colin Bagaforo ang administrasyong Aquino at Kongreso na tanungin muna ang publiko kung pabor silang baguhin ang 1987 constitution at kung anu-anong probisyon ang dapat amyendahan.

“They need the consent of the general public,” ani Bagaforo. “Tanungin ang sambayanan kung anong mga probisyon sa Saligang Batas ang aamyendahan.”

Aniya: “I don’t think it should be the total overhaul of the whole constitution. It should be identified.”

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply