CBCP: Poll fraud probe dapat ituloy

HINDI dapat mabalaho ang imbestigasyon hinggil sa umano’y dayaan sa 2004 at 2007 elections dahil sa pagbibitiw ni dating Sen. Juan Miguel Zubiri.

Ito’y sa kabila ng una nang pagbibitiw sa puwesto ni Senador Zubiri, na inaakusahang siyang nakinabang sa dayaang naganap sa 2007 senatorial polls.

Ayon kay Fr. Edu Gariguez, executive secretary ng National Secretariat for Social Action Justice and Peace ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), dapat maparusahan ang nagsagawa ng iregularidad upang hindi na ito maulit pa.

“Siguro may resignation man o wala, dapat patuloy ang imbestigasyon dahil kinakailangan nating makita ang mga totoong nangyari para maitama natin,” ani Gariguez. “Dapat magkaroon ng closure, hindi puwede tayong tumakbo na hindi umuusad ito.”

Aniya pa: “Matanggal dapat ang mga nasa Comelec na sangkot sa election fraud upang hindi na makagawa uli ng anomaly.”

Kasabay nito, hinimok ni Gariguez si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Second District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na harapin ang imbestigasyon at magsabi ng katotohanan hinggil sa ibinibintang ditong pandaraya sa halalan.

Duda ang CBCP official sa pagkakasakit ni Arroyo at iginiit na hindi ito dahilan upang matakasan nito ang imbestigasyon.

“Masyado ba siyang suwerte dahil ngayon naman ay may diperensiya siya sa pagsasalita dahil sa operasyon niya o baka naman isa lamang itong paraan upang hindi siya maipatawag at makapagsalita sa Senado?” tanong ng opisyal ng CBCP.

Bagama’t natuwa umano si Gariguez sa pagbibitiw ni Zubiri, maaari rin aniyang ginawa lamang ito ni Zubiri upang matakasan ang pagharap sa maaaring resulta ng dayaan.

“Maganda, nakakatuwa kasi sa nakaraan ay sanay na sanay sila na nagtatago na ayaw harapin. Tapos laging nawawala kapal ng mukha pero ngayon ay at least may nakita kang kayang mag-resign at mayroon pang pagpapahalaga sa honor,” aniya.

“Ang tanong dito ay ito kaya yung paraan ng pagtakas sa pagharap sa maaring resulta ng dayaan?” tanong nito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply