CCP bantang kakasuhan sa ‘bastos’ na art exhibit

NAGBANTA ang ilang lay Catholic groups na magsasampa ng kaso laban sa Cultural Center of the Philippines (CCP) sa Pasay City kung hindi ipatitigil hanggang bukas, Huwebes ang art exhibit nitong ‘Kulo’ na pambabastos at panunuya sa relihiyong Katoliko.

Nabatid na nagpadala na ng liham ang Pro-Life Philippines sa CCP at sa artists, na umano’y mula sa University of Santo Tomas (UST), at nag-demand na itigil na bukas ang exhibit at gumawa ng amiyenda hinggil dito.

Nagbanta ang grupo na kung hindi ititigil ang exhibit ay magsasampa na sila ng kaso.

“By Thursday afternoon, we will file a case if they do not stop the exhibit and if they do not also make amends because stopping is not enough. The damage has been done,” ani Eric Manalang, pangulo ng Pro-life Philippines, sa CBCP website.

Tinutukoy ng grupo ang exhibit na “Kulo” na sinimulan noong Hulyo 17 at magtatagal hanggang sa Agosto 21.

Ayon sa grupo, mistulang pambabastos at panunuya sa relihiyong Katoliko ang naturang exhibit dahil sa ilang kontrobersiyal na obra na ginawa ng UST-trained artist na si Medio Cruz, kung saan ang mga relihiyosong imahe ni Hesukristo ay sinamahan ng mga bagay na walang kinalaman sa Christianity, tulad ng male genitalia, condom, mga underwear, pulang bola sa ilong ni Kristo at imahe ni Mickey Mouse.

Giit ni Catholic lawyer Atty. Jo Imbong, executive director ng St. Thomas More Society (STMS), samahan ng mga Catholic lawyer, ang ginawa ng mga organizer sa exhibit ay malinaw na paglabag sa Article 201 ng Revised Penal Code (RPC) hinggil sa immoral doctrines, obscene publications, at indecent shows.

“May kaparusahan ‘yung mga gumagawa ng public exhibit na ang laman ng exhibit ay mga bagay na insulto sa relihiyon… May liability kasi you are offending the religious belief of a country [with] 85 percent Christians,” aniya pa.

Nagpadala na rin ito ng liham kay CCP president Raul Sunico, at sinabing ipasara ang art gallery, at nagbabala, “we shall be constrained to pursue all forms of judicial relief to restrain the further exhibition of these works.”

Naninindigan si Imbong na ang pagpa-public display ng naturang collage ay paglabag din sa mandato ng CCP, na premier institution ng bansa para sa kultura at art.

Una na ring nagpahayag ng galit at pagkadismaya si Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply