‘Coco-biodiesel’ ginagamit na

IPINAHAYAG ng Philippine Coconut Authority (PCA) na malaki ang potensyal ng diesel mula sa niyog o “coco-biodiesel” upang higit na mapababa ang pag-angkat at labis na pagsalalay ng bansa sa imported
na diesel.

Ayon kay Thelma Tolentino, pinuno ng public affairs office ng PCA, layon ng administrasyon ng Pangulong Benigo Aquino III na dagdagan ang kasalukuyang dalawang porsyentong halo ng coco-biodiesel at ordinaryong diesel sa mas mataas pang antas.

Bagama’t hindi tinukoy ni Tolentino ang eksaktong petsa ng implementasyon, nauna nang naglabas ng polisiya ang Department of Energy upang itaas sa limang porsyento ang minimum na halo ng coco-biodiesel ngayong taon hanggang sa 10 porsyento pagsapit ng 2015.

Bukod sa malaking kita para sa mga magsasaka ng niyog, ipinaliwanag ni Tolentino na hatid din ng coco-biodiesel ang karagdagang benepisyo sa kalikasan at ekonomiya ng bansa.

Lumitaw sa ilang pag-aaral na hindi bababa sa P2 bilyon ang madadagdag sa kikitain ng mga magsasaka kada taon mula sa pagbebenta lamang ng langis ng niyog na gagamitin para makagawa ng coco-biodiesel.

Gayundin, pinabubuti umano ng coco-biodiesel ang proseso ng pagsunog ng makina ng sasakyan sa diesel na nagreresulta sa mas episyenteng pagkonsumo nito.

Dahil mas episyente ang makina, mas kaunti din ang inilalabas na polusyon at nasasayang na diesel ng sasakyan.

Base rin dito, hindi bababa sa 10 porsyento ang madadagdag sa mileage ng isang sasakyang gumagamit ng pinaghalong diesel. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply