Comelec exec binigyan ng ibang trabaho

PANSAMANTALANG inalis sa puwesto ng Commission on Elections (Comelec) en banc at binigyan ng ibang trabaho ang head ng Law Department nito na si Atty. Ferdinand Rafanan.

Si Rafanan ay itinalaga sa Comelec-Department of Justice (DOJ) panel na mag-iimbestiga sa alegasyon ng dayaan sa 2004 at 2007 elections, habang ang Comelec Law Department naman ay pansamantala umanong pamamahalaan ni Comelec Commissioner Rene Sarmiento.

Bagamat una nang napaulat na si Rafanan ay papalitan sa puwesto ni Atty. Allen Francis Abaya, isa sa anim na Comelec officers na una nang nasuspinde ng anim na buwan dahil sa pag-apruba sa umano’y overpriced na kontrata para sa ballot secrecy folders na gagamitin sana noong May 10, 2010 elections.

Kaagad namang nilinaw ni Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. na walang iregular sa naturang reassignment ni Rafanan.

Ayon kay Brillantes, ang replacement ay bahagi lamang ng isinasagawang reorganization at reshuffling ng Comelec.

Ani Brillantes, tatlong buwan na aalisin si Rafanan mula sa law department at pansamantalang itatalaga sa imbestigasyon sa election fraud.

Matapos ang tatlong buwan ay magdedesisyon ang commission en banc kung ibabalik sa puwesto si Rafanan, o hindi na.

Paliwanag pa ni Brillantes, ang replacement kay Rafanan ay aksiyon ng Commission en banc at may sapat aniya silang awtoridad para gawin ito.

Samantala, nagpahayag naman ng pagkadismaya si Rafanan matapos siyang alisin sa puwesto, habang isinasagawa ang imbestigasyon sa poll fraud, dahil maaari naman aniya siyang manatiling hepe ng Comelec law department kahit pa miyembro siya ng poll fraud investigating panel.

Gayunman, inamin ni Brillantes na isa sa pinagbasehan nila sa desisyon ang sigalot sa pagitan ni Rafanan at ng deputy nito, na nagiging dahilan aniya ng kalituhan sa mga empleyado at mga abogado ng law department.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply