Congressman ‘tulis’ ng CAMANAVA

SA isang lungsod sa Camanava, hindi mamatay-matay ang kuwento ukol sa ginawang kalokohan  ng isang kongresista.

Katunayan, taon na ang lumipas, pero sa tuwina’y napag-uusapan sa mga umpukan ng mga matitikas na padre de pamilya.

Sa mga huntahan na may nakahain na ‘agua de pataranta’, mistulang ‘pulutan’ kung pag-usapan ang kapilyuhan ni congressman.

Aba’y itong si congressman – akala mo’y ‘di makabasag pinggan, ngunit sa totoo lang – may itinatago rin palang kapilyuhan.

Kundi ba naman loko  si congressman, mantakin mo, pati maybahay  ni kumpare na tumulong sa kanyang election ay tinuhog.

Dahil sa kapilyuhan,  binansagan tuloy itong ‘Cong. Tulis.’ Akalain mo, pati ba naman si kumare eh, sinelyuhan. Ogag talaga.

Ang kuwento: Kampanyahan noon at dahil kapos sa pera, lumapit si ‘Tulis’ sa nakaririwasang kumpareng seafarer.

Dahil kararating lang mula sa ibang bansa, may pera si kumpare kaya kaagad itong nagpautang ng P300,000.

Sinuwerte si ‘Tulis’, nanalo itong congressman sa kanilang lungsod.

Ilang buwan pagkatapos ng election, muling sumakay ng barko ang kumpare at dito nagsimula ang kapilyuhan ni ‘Cong Tulis.’

Sa simula, patawag-tawag, kinukumusta si kumpare, hanggang sa sumunod na mga tawag, si kumare na ang kinukumusta.

Hanggang nauwi sa ligawan. Sinimulan, hanggang dumalas ang minsan. Isang araw, bigla na lang daw nagsusuka si kumare.

Sa takot na magbunga ang kanilang kataksilan, gumawa ng paraan si ‘Cong. Tulis.’

Pinalaglag ang nasa sinapupunan ni kumare.

Ngunit ang pagpapalaglag sa kawawang ‘anghel’ ay ‘di  naging hadlang, bagkus lalong nagpatikas sa kahayupan ni ‘Cong Tulis’.

Ngunit ika nga ng mga naniniwala sa balik: “Walang sikretong ‘di nabubulgar.’

Nalaman ni kumpare ang kataksilan ng mahal na  asawa at kumpareng si “Cong Tulis”, kaya nauwi ito sa hiwalayan.

Isang pamilya ang na-sira dahil sa kagaguhan ng pinagkatiwalaan ng mga kababayan para kanilang maging congressman. Kakarmahin din ito!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply