Cotabato blast, test mission lang — Military

TEST mission lamang umano ang naganap na malakas na pagsabog ng bomba sa Cotabato City na kumitil sa buhay ng dalawang katao at ikinasugat ng 13 iba pa.

Ayon sa military, ang nagsagawa ng pagpapasabog kamakalawa ng hapon sa Parang Road sa lungsod ng Cotabato ay mga bagong recruit ng lokal na Jemaah Islamiya (JI) na sinanay sa paglikha ng mga pampasabog.

Ayon kay Army Col. Prudencio Asto, spokesman ng Philippine Army 6th Infantry Division, ang krimen ay kagagawan ng grupo ni Kumander Basit Usman.

Ayon sa intelligence report, ang 11 lady bomber na nagsagawa ng pagpapasabog ay katatapos lamang sa pagsasanay sa paggawa ng bomba sa loob ng Liguasan Marsh.

Nag-alok ng gantimpala si Cotabato City Mayor Japal Guiani sa makapagtuturo sa mga nasabing suspek.

Nasawi si Jimmy Ali, isang photographer, at isang hindi pa nakikilalang bata sa insidente. Umakyat naman sa 14 ang bilang ng mga sugatan.

Iniimbestigahan pa kung anong klaseng improvised explosive device ang sumabog na inilagay sa kulay asul na XRM na motorsiklo.

Hindi pa rin nadadakip ang umano’y dalawang suspek na nag-iwan ng bomba sa harap ng C-Wat Guns and Ammunition dakong alas-2:15 ng hapon.

Kinilala naman ang mga sugatan na sina: Erwin Go,  Brian Go, Nestor Luna, Guiaida Kaorac, Johaina Tayuan, Nancy Lagawan, Ike Karudin, Delio Tumandag, Cherry Dionisia,  Ronnie Malikay, Anisa  Pasandalan,  Macapanton Maliga, Tecy  Salapya at Guadin Omar.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply