Customs chief ‘di magbibitiw

SINALAG ni Commissioner Angelito Alvarez ng Bureau of Customs ang hindi makatarungan mga batikos at hiling ng kanyang pagbibitiw sa puwesto bunsod ng 2,000 container vans na nawawala na ikinalugi ng pamahalaan ng may P240 milyon.

Ayon kay Alvarez, nalimutan umano ng mga tao na siya mismo ang nagsiwalat ng mga nawawalang container vans at nag-utos ng imbestigasyon sa mga opisyal ng Customs ukol dito bago pa man nagsimula ang mga pagdinig sa Kongreso ng nasabing isyu.

Nalulugod umano siya sa mga pahayag ni Ilocos Norte Rep. Rodolfo Farinas na hindi ito sumasang-ayon na matanggal si Alvarez sa puwesto sa kabila ng mga kontrobersya sa Customs.

“Inilabas ni Commissioner Alvarez ang mga bagay na ito (smuggling) kaysa walisin lamang at itago sa ilalim ng carpet. Dapat ay bigyan natin siya ng kredito sa kanyang ginawa. Nag-utos siya ng mga imbestigasyon at binigyan tayo ng mga kopya ng resulta ng mga ito,” pahayag ni Farinas.

Sa kabila ng maraming sagabal ay nananatiling malakas ang determinasyon ni Alvarez na maalis ang smuggling at korupsyon sa BOC. Naniniwala si Alvarez na ang suliranin ng mga nawawalang container vans ay “tip of the iceberg” lamang.

Inatasan ng opisyal ang Post Entry Audit Group na magsagawa ng malawakang audit ng lahat ng transhipment ng mga nakaraang taon.

Bilang permanenteng solusyon  sa problemang ito, iniutos na ni Alvarez ang ban sa mga transhipment maliban sa mga patungong export processing zones at custom bonded warehouses. Ben Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply