Customs turo-turo, lutong makaw

LUBHANG nakalilito itong mga kaganapan sa 1,910 container van na milagrong naglaho habang ibinabiyahe pa-tungong Batangas mula sa Port of Manila (POM) at Manila International Container Port (MICP). Sa 2,219 container na inilipat sa Batangas mula Enero hanggang Mayo ng taong ito, 319 lang ang nakarating doon.

Sa umpisa, lumabas na tila walang sabit si Port of Batangas (POB) Customs Collector Juan Tan dahil ang puerto niya ay tagatanggap lang ng containers. Kung-kulang nga naman ang nakarating sa POB, ang dapat tanungin ay ang POM at MICP.

Ngunit sinasabing dahil sa isang tip, si Commissioner Lito Alvarez mismo ang naka-diskubre na may nangyayaring mga kabulastugan sa Batangas Customs. At isa na rito ang tungkol sa nawawalang containers. Sa imbestigasyon kasi na iniutos ni Alvarez, may lumilitaw na mga negatibong impormasyon tungkol kay Collector Tan.

Una, pinaninindigan ng mga Customs guard ng MICP at POM na nagbabantay sa pagdeliber ng mga kargamento sa Batangas, na dumating doon ang lahat ng 2,219 container. Patunay nito ang transhipment permits at boat notes na pinirmahan daw sa harap nila ng assistant wharfinger ni Tan na si Romarico Tumbaga.

May abiso ring ipinaaabot sa Batangas Port mula sa MICP at POM ukol sa mga parating na container. Gamit ang E2M o electronic to mobile system, mabilis na napararating ang abiso kaya dapat nakaantabay na agad ang Batangas port sa mga kargamento.

Nakagugulat din ang mga pag-amin ni Tan sa unang hearing sa Kongreso ukol sa kasong ito, na dalawang ulit siyang nakipagkita sa isang ‘Boy Valenzuela’ na sinasabing may malaking kinalaman diumano sa pagkawala ng mga container.

Ayon sa bulung-bulungan sa Aduana, mas malimit maki-pagtransaksyon si Valenzuela sa isang Eloisa Corpuz na malapit daw kay Tan. At balitang siya ang pumalit sa Koreanang si Seok Mi Lee o Cristala na dati’y madalas kasama ni District Collector kahit sa mga opisyal na biyahe niya sa ibang bansa.

Ang tanong: bakit si Alvarez ang puntirya ng galit nina Kong-resista Mitos Magsaysay at Magi Gunigundo? Bakit tila ibinabaling nila kay Alvarez ang sisi sa nangyari? Hindi kaya nila batid na ayon sa Book II ng Customs Law, ang pagkolekta ng buwis at taripa ay pangunahing responsibilidad ng District Collectors at hindi ng Commissioner?

Sa turu-turuan sa bagay na ito, lumalabas na ang menu ng mga tiwaling tauhan ng BoC ay lutong makaw na style turo-turo!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply