Daily budget sa medical assistance triniple ng PCSO

HALOS triple ang itinaas ng daily budget ang ikinasa ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para sa mga mahihirap na nag-aapela ng tulong-medikal sa ahensya.

Ayon kay Atty. Mabel Mamba, PCSO Board Member, mula sa dating P4.5 milyon ay ginawa na itong P11 milyon sa layuning mas marami pang mga nangangailangan ang kanilang matulungan na nagtutungo sa iba’t ibang tanggapan ng PCSO.

Bagama’t may P2 bilyon pang unpaid obligation sa iba’t ibang hospital na iniwan ang dating liderato ng ahensya, itutuloy umano ng bagong liderato ang pagdadagdag ng pondo para sa mga nangangailangan.
Tiniyak din ni Mamba na babayaran nila ang mga unpaid bills sa mga pampublikong ospital upang magtuloy-tuloy ang pagseserbisyo ng ahensya.

“Sa ngayon nirerepaso ng boards ang mga statements of billings na ibinigay ng mga hospital na sinasabing pinagkakautangan ng PCSO,” saad ni Mamba.

Nauna ng pinaalalahanan ni PCSO Gen. Manager Atty. Ferdinand Rojas II ang publiko na kumpletuhin ang mga dokumentong kinakailangan ng ahensya upang wala nang magiging sagabal pa sa kanilang pagsasaayos ng transakyon at maging legal ang anumang igagawad na aksyon sa hiling.

“But as for those that cannot complete the requirements it will be difficult for the PCSO to pay them because the Commission on Audit will question us,” pahayag ni Rojas.

Matatandaang, inanunsyo ng pamunuan ng ahensya ang One day Medical Assistance Processing, kamakalawa kasabay ng katapat na mga paalala sa mga mahihirap na humihiling ng tulong.

Tinatayang 1,500 financial request ang natatanggap ng ahensya sa araw-araw mula sa iba’t ibang sangay ng PCSO sa bansa.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply