Dayuhang abusado

ISANG dayuhan ang bumili ng isang scooter. Ang aking tinutukoy na scooter ay isang Piaggio Fly na gawa sa bansang Italiya. Ito ay nabili niya sa Moto Greenhills, ang exclusive distributor ng nasabing scooter.  Sa pagbili niya ng scooter ay kumuha rin siya ng comprehensive insurance sa isang malaki at sikat na insurance company dito sa Pilipinas. Ang coverage ng kanyang scooter ay kung ito ay mawala o kaya’y masira at medeklarang “total wreck” ito ay papalitan ng bagong unit o babayaran siya ng insurance company kung magkano niya nabili ang scooter.  Habang kumukuha siya ng comprehensive insurance ay kumuha rin siya ng Personal Accident Rider insurance.  Ang saklaw naman nitong Personal Accident Rider insurance ay babayaran siya ng P50,000 kung siya’y mawalan ng paningin sa dalawang mata, pagkaputol ng dalawang paa o kamay, at kung siya’y mamatay ang P50,000 ay ibibigay sa kanyang isinulat na benepisyaryo.

Sa di inaasahang pangyayari ay naaksidente siya habang minamaneho niya ang kanyang scooter sa may kahabaan ng Ayala Avenue sa Makati City.  Mabuti na lamang at hindi siya nawalan ng paningin sa kahit na isang mata, hindi rin siya naputulan ng kahit na isang paa o kamay, at higit sa lahat ay di siya namatay. Buhay na buhay siya ngunit may konting tinamong galos. Idineklarang total wreck ang kanyang scooter kaya naman agad ito inisyuhan ng cheke ng insurance company sa halaga ng pagkabili niya ng scooter.

Eto na po. Matapos ang isa o dalawang araw ay nagtungo siya sa head office ng Moto Greenhills sa Bonifacio Global City, sa Motoitalia. Dito ay nag-file siya ng insurance claim niya. Matapos ang medyo matagal na panahon ay nagbalik siya sa Motoitalia at hinihingi na ang kanyang mga benepisyo.  Ang Motoitalia, dahil sa out of stock na ang Piaggio Fly ay nagbigay ng cheke na sing halaga ng pagkabili ng dayuhan ng scooter.  Napakagandang scooter po kasi ng Fly kaya naubusan agad ng stock ang distributor nito. Laking gulat ng taga-Motoitalia ng humingi rin siya ng P25,000 reimbursement daw ng kanyang medical expenses. Halatang hindi niya binasa ang detalye ng kanyang Personal Accident Rider insurance ano? At yung sinisingil niyang P25,000 ay base daw sa ginastos niya nung nagpagamot siya sa Estados Unidos. Talaga naman. Hindi pa po ako tapos. Panay pa ang batikos niya sa Motoitalia sa pamamagitan ng kanyang Twitter account. Nagpadala din siya ng email sa presidente ng insurance company na nagsasabing babarilin daw niya sa ulo ito at ang mga empleyado nito at humanda naman daw ang Motoitalia dahil magsusumbong daw siya sa kilalang broadcast journalist na si Connie Sison. Parang extortion ano?

Ang huling balita ko ay nag-usap na ang mga abogado ng insurance company at ng dayuhan at may napagkasunduan na ang mag-panyero. Subalit laking gulat ng abogado ng dayuhan ng di ito tinanggap ng kanyang kliyente. Dahil dito nagbitiw na ang abogado niya. Sariling abogado mo na iniwan ka pa.

Alam mo, hindi naman tanga ang mga Filipino. At huwag mo kaming takutin. Sana ay binasa mo ng mabuti ang coverage ng mga kinuha mong insurance. Mag-isip ka rin sa ginawa mong pananakot sa presidente ng insurance company at sa kanyang mga tauhan. Alalahanin mo, dayuhan ka dito sa Pilipinas. Hindi mo siguro magugustuhan kapag ikaw ang tinakot dito.

* * *

Iniimbitahan ko po kayong makinig sa inyong lingkod tuwing Huwebes, 2:00 p.m. para sa INSIDE MOTORING RADIO sa DZRJ 810 AM.

Inaanyayahan ko din kayong tangkilikin ang mga programang STOPLIGHT TV at INSIDE MOTORING TV na mapapanood sa PINOY EXTREME CHANNEL sa buong kapuluan at sa ABS-CBN The Filipino Channel (TFC) Global sa ibang parte ng mundo. Sa kalakhang Maynila, ang Pinoy Extreme ay nasa Destiny cable ch. 83, Cablelink ch. 33 and G-Sat ch. 7. Mapapanood rin ito sa iba’t-ibang mga cable operators nationwide.

Kung may mga katanungan hinggil sa mga isyung motoring, motorsports at transportasyon, wag mag-atubili na makibahagi sa www.facebook.com/InsideMotoring o di kaya’y magtext sa 0918-4479006. Salamat po!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply