De Lima pinasisibak ni Trillanes kay PNoy

INIREKOMENDA ni Sen. Antonio Trillanes IV kay Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III ang pagsibak kay Justice Secretary Leila de Lima dahil sa kabagalan nitong kumilos upang resolbahin ang mga kaso ng katiwalian ng nagdaang administrasyon kabilang na ang mga kasong pandarambong laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

“I’m disappointed dahil very ironic na parang pina-prop up siya ng media na magaling pero pag tiningnan natin yung records eh, sabi ko nga wala eh. Wala talaga. So ‘yun ang problema natin,” ayon kay Trillanes.

Hinamon ng senador ang Pangulo na kung talagang seryoso ito sa paglaban sa katiwalian ay maglagay siya ng taong mapapakinabangan at epektibo sa mga kritikal na puwesto, partikular na ang kalihim ng Department of Justice (DOJ).

“Itong si Pangulong Aquino nakita mo naman, sabi niya this is personal to him, talagang habulin itong mga erring officials before. Pero yung DOJ Secretary mo wala namang ginagawa,” aniya.

Hindi umano siya mangingiming sabihin nang harap-harapan kay De Lima na palpak ito.

“Talagang sasabihan na natin siya na may problema ka. Ikaw pumasok ka rito as anti-corruption crusader and yet after more than a year wala kapang kasong naipa-file. So problema na ngayon iyan ni Presidente Aquino,” dagdag ni Trillanes.

Sinabi pa ni Trillanes na nakausap niya kamakailan si Pangulong Aquino at kanya itong pinayuhan na kung gusto nitong pagbayarin sa batas ang mga taong gumahasa sa pondo ng taumbayan ng nagdaang administrasyon, dapat nitong sipain si De Lima dahil nagiging ‘weakest link” ito sa kanyang administrasyon.

“Marami tayong mga obserbasyon and sinasabi naman natin ‘yan directly kay Pangulong Aquino. Pero for now, ang hinahabol natin itong prosecution arm ng Executive Department,” giit ng senador. “Iyan ang weakest link kaya I’m very vocal about it kaya kung gusto mong makahabol ka, palitan mo na yung Secretary of Justice mo.”

Inirekomenda pa ni Trillanes na gawing “spokesperson” na lamang ng Pangulo si De Lima dahil magaling itong magsalita sa harap ng media ngunit kulang naman sa gawa.

Isa sa inirereklamo ng senador ay kung bakit hanggang ngayon ay wala pang nangyayari sa mga plunder case ni Arroyo.

Nagbabala rin si Trillanes laban kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales na babantayan niya ang trabaho nito sa loob ng tatlong buwan dahil kung magiging mabagal din ito tulad ng pinalitan niyang si Ombudsman Merceditas Gutierrez ay mag-iingay din siya laban sa Ombudsman. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply