Dengue at malaking salapi ng pamahalaan

NAGKAKANDAMATAY-MATAY ang lahi ni Juan sa dengue.

Kahit saan sa Luzon, Visayas at Mindanao, punom-puno ang mga pablik ospital ng mga nagkakasakit ng dengue at nagmumula rito ang karamihan sa mga napepeste.

Humigit-kumulang na sa 300 ang namamatay sa nakalipas na pitong buwan.

Ngayong buwan ng Agosto, grabe ang pagdami ng mga biktima ng sakit na dala-dala ng lamok at tiyak na madaragdagan pa ang bilang ng mga namamatay.

oOo

Ayon sa Department of Health, apat ang klase ng dengue. Pero tila bumabagsik ang mga mikrobyo ng sakit na ito na hindi pa gaanong napag-aaralan kung paano gamutin.

Dahil dito, higit na umaasa ang pamahalaan sa pagpigil sa paglaganap nito kaysa magbigay-lunas. Kaya nga, panay ang kampanya nito sa lahat ng mga barangay kung paano lumaban sa dengue.

Maglinis sa labas at loob ng bahay, sigaw nito. Yung mga pinanginitlugan ng mga lamok na may dala-dalang dengue, hanapin at linisin.

Pero hanggang kailan tayo maiipit sa ganitong kalagayan?

oOo

Habang puspusan ang kampanya sa prebensyon ng dengue, malinaw namang nagkakandamatay-matay ang maraming biktima nito.

Totoo na may patakarang hindi dapat tumanggi ang mga ospital sa pag-admit ng mga nagkakasakit. Pero hanggang dito lang ba ang magagawa ng pamahalaan?

Walang panggastos sa pagbili ng dugo at sa iba pang pangangailangan ng nakararami sa mga biktima.

Sa kabilang banda, lumalabas namang  sobra-sobra ang pondo ng pamahalaan dahil hindi ito gumagastos nang todo.

Dapat ibaling laban sa dengue ang ilang pondo.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply