Dengue: P30K sa ospital, P30k sa punerarya

MALAKING sumpa ang sakit na dengue na dala-dala ng lamok lalo na sa bahagi ni Juan na nakukuba na sa hirap.

Totoo na walang sinasanto ang dengue.

Walang maya-mayaman, walang mahimahirap, walang mata-matanda, walang bata-bata, walang lala-lalaki, walang baba-babae.

Pero ang hilahod sa hirap na si Juan kung siya ang tinamaan ay mala-impiyernong buhay ang sasapitin niya.

oOo

Tingnan ninyo, Suki, ang karanasan ng mga nagkakasakit sa dengue.

Kung may dalawang linggo kang naospital o mahigit pa, papalo ang iyong gastos sa nasa P30 mil. Sa ospital lang na pangmahihirap lang yan, Suki, at hindi kasali ang gastos sa pamasahe at tsibog ng bantay.

Sa parte ng mga tutyal, Suki, daang libo hanggang milyong piso ang sinisingil sa kanila ng mga tutyal ding ospital.

Kung minalas-malas ka at nilalabasan ka na ng dugo sa ilong o tainga o sa dumi, dagdagan mo na ng dasal ang ipinaiinom at isinusuwero sa iyo na gamot  ni dok.

Pag natuwa si Lord sa iyo, magpasalamat ka na lang at makakapiling mo siya poreber.

Ang masakit, iiwanan mo ang iyong pamilya na malulubog sa punerarya sa halagang nasa P30 mil.

Pero may partida ka: Oks na ang pamisa o pabasbas sa iyo sa simbahan pero ka-kargahin mo ang gastos sa  apartment o hukay mo sa sementeryo, kasama na ang permit to bury.

Ganyan katindi ang ma-dengue.

oOo

At alam ba ninyo, Suki, na napakatalas ang pang-amoy ng mga nagkakalat ng saklang patay?

Mauuna pa sila sa iyong bahay na maghanda ng mga lamesa sa sakla kaysa pag-uwi mo na isa nang bangkay.

Pero sa karanasan, mas malaki pa ang abuloy ng mga saklador kaysa abuloy nina meyor at konsehal.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply