DepEd nakabahagi ng malaki sa 2012 nat’l budget

PINAKAMALAKI ang nakuhang badyet ng Department of Education (DepEd) kaysa ibang kagawaran sa pambansang badyet para sa 2012, na tinaguriang “Paggugol na Matuwid: Diretso sa Tao.”

Ang P238.8-bilyon badyet ng DepEd sa susunod na taon ay mas malaki ng 15.2 porsiyento kumpara sa kasalukuyang badyet na P207.3 bilyon. Hindi pa kasama sa nabanggit na halaga ng bagong badyet ang School Building Fund.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), sinasalamin ng badyet sa edukasyon ang prayoridad ng administrasyong Aquino na maabot ang target na gawing abot-kamay ng lahat ang edukasyon sa taong 2016.

Kumain naman ng P356.1 bilyon ang pambayad sa utang panlabas, na lumamon ng aabot sa halos 20% ng kabuuang pambansang gastusin.

Kada taon ay ganitong bahagi ng badyet ang inilalaan ng gobyerno para sa pambayad sa panlabas na utang alinsunod sa kautusang ipinalabas ng nasirang si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

“As a share of the budget, the debt burden is 3 percentage points lower than this year,” ayon sa DBM.

Isinumite ng Palasyo sa Kongreso ang panukalang 2012 national budget, na umaabot sa P1.816 trilyon o 10.4 porsiyentong mas mataas kaysa badyet ng kasalukuyang taon na P1.645 trilyon.

Sumunod sa DepEd ang  Department of Public Works and Highways (DPWH), na kumain ng  P125.5 bilyon.

Ito ay  sinundan ng: Department of National Defense (DND), P107.9 bilyon; Department of the Interior and Local Government (DILG), P101.4 bilyon; at Department of Agriculture (DA), P54.1 bilyon.

Pinakamalaking itinaas ang badyet ng DA na pumalo sa 53.6 porsiyento upang suportahan ang iba’t ibang inisyatiba nitong naglalayong maging self-reliant ang bansa sa bigas at iba pang pagkain.

Sa alokasyon bilang sektor, pangatlo ang pagbabayad sa utang panlabas na umabot sa  P356.1 bilyon o 19.6 porsiyento ng kabuuang badyet ngunit ang Social Services sector ang patuloy na nakakakuha ng pinakamalaking pondo na umabot sa  P575.8 billion, o 31.7% ng kabuuang badyet.

Sinundan ito ng economic services sector na may P438.9 bilyon (24.2 porsiyento). Ito ay nagpapakita ng pinakamalaking paglago na 21.3 porsiyento.

Sumunod sa debt services ang general public services, na may P332.1 bilyon (18.3 porsiyento); at defense, P113.1 bilyon (6.2 porsiyento).

“The new general appropriations of P1.254 trillion is proposed, which includes the P1.09 trillion of programmed appropriations and P162 billion of standby appropriations, should additional or new revenues and project loans come in,” ayon sa Palasyo.

Mas mataas ng 25.4 porsiyento ang bagong paglalaan kumpara sa kasalukuyang taon.

Ayon sa DBM ay susuportahan ang 2012 budget mula sa koleksiyon ng kita na aabot sa P1.569 trilyon.

Inaasahang papalo ang kikitain ng gobyerno sa susunod na taon ng mahigit 11.1 porsiyento kaysa sa kasalukuyang  P1.411 trilyon.

Katumbas ito ng 14.2 porsiyento ng Gross Domestic Product (GDP).

Sa inaasahang pagtaas ng koleksiyon ay maaaring makita sa mahusay na administrasyon sa pagbubuwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC).  Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply