DFA nahihirapan ilikas ang mga Pinoy sa Tripoli

DAHIL patuloy ang labanan, nahihirapan ang pamunuan ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Libya na mailikas ang mga Pilipino palabas ng Tripoli.

Ayon kay DFA spokesman Raul Hernandez, nakasasagabal sa pagsusumikap ng grupo ni Foreign Affairs Undersecretary Rafael Seguis na ilikas ang mga Pinoy ang labanan sa pagitan ng puwersa ni Libyan leader Moammar Gaddafi at mga rebelde.

Aabot sa halos 2,000 overseas Filipino worker (OFW) ang hindi pa rin nakalalabas sa Tripoli, kung saan ay matindi pa rin ang bakbakan.

Tiniyak ni Hernandez na hindi titigil ang pagtulong ng DFA sa mga kababayan sa Libya na nais makauwi sa Pilipinas.

Kaugnay sa nagaganap na kaguluhan, nag-alok na ngayon ng pakikipag-usap si Gaddafi sa mga rebelde, na nagawa nang makubkob sa mga lugar na dating kontrolado ng puwersa ng nasabing lider ng Libya.

Ayon sa tagapagsalita ni Gaddafi na si Moussa Ibrahim, handa na silang makipag-usap sa mga rebelde para sa paglilipat ng kapangyarihan.

Mangunguna aniya sa panig ni Gaddafi sa naturang usapan ang anak nitong si Saadi.

Subalit iginiit naman ng kampo ng mga rebelde na hindi sila makikipagnegosasyon hangga’t hindi sumusuko si Gaddafi, na patuloy pang nagtatago.

Tiniyak naman ni Ibrahim na nasa Libya pa rin si Gaddafi. Johnny F. Arasga

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply