Di bale nang mamatay nang busog kay nang gutom

MAHIRAP maintindihan ang mga overseas Filipino worker.

Subalit, kung marunong lang makiramdam sina PNoy, makakayanan nilang makahanap ng kalutasan sa napakahirap na pakikisama sa mga OFW sa mga magugulong bansa.

oOo

Sa kasalukuyan, binabalot ng matinding bangungot ang libo-libong OFW sa mga bansang Afghanistan at Syria, maging sa Libya.

Bangungot dahil sa nasa bingit ng kamatayan ang mga OFW na naroroon sa nasabing mga bansa dahil sa matitinding giyerang nagaganap doon.

Gustong-gusto ng pamahalaan na iligtas sa bangungot o kapahamakan ang mga OFW kaya naman ipinagbabawal nito ang pagpunta ng mga ito sa nasabing bansa at ipinalilikas ang mga naroroon.

Sa isang banda, gustong-gusto rin ng mga OFW ang aksyon ng pamahalaan ngunit sa huling sandali ay umaayaw naman sila.

Kung mayroon mang sumusunggab sa mga pagkakataon na sila’y makatakas, iilan lamang ang mga ito.

Ang nakararami ay nagsasabing mas gusto pa nila ang malagay sa bingit ng kamatayan kaysa umuwi sa repablik ni Juan. Bakit?

oOo

Ngayon nga’y nag-iisip-isip sina PNoy kung dapat nilang ituloy ang deploymen ban sa Afghanistan.

Karamihan sa lahi ni Juan doon ay ayaw umuwi kahit sumasabog ang mga bomba kahit saan at pinapatay sila ng mga Taliban.

Sa Syria at Libya, parang bayawak na napakahirap bunutin sa lungga ang mga OFW roon at ihagis sila pabalik sa Pinas.

Kahit alam na nilang lumilipad ang mga bala at bomba sa kanilang mga bumbunan.

Alam mo ba, PNoy, na malakas ang paniniwala ng mga OFW na mas maigi ang mamatay nang busog kaysa mamatay sa gutom?

PNoy, makiramdam kayo!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply