Disiplina sa plakang 8

NOONG Marcos regime, sikat na sikat ang slogan na “Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan.” Disiplinado ang mamamayan dahil umiiral ang Batas Militar. At dahil sumusunod ang mga tao sa patakaran, maayos ang takbo ng pamahalaan at marami ang may maayos na trabaho kaya naman itinuturing ang Pilipinas bilang developing country.

Ngayong umiiral ang demokrasya, halos limot na ang kasabihang ito. Kaya naman, marami sa mamamayan ang walang disiplina na itinuturing na dahilan ng hindi pag-unlad ng bayan at mamamayan. Rason kaya ito sa patuloy na paghihirap ng bayan?

Noong nakaraang linggo, ipinahuli ni Pangulong Benigno Aquino ang driver ng service vehicle ng television network na TV5 na nag-counter flow sa Cultural Center of the Philippines habang nandoon din ang Pangulo na katatapos lang dumalo ng pagtitipon sa nasabing lugar.

Ipinakita ni PNoy na kailangan talagang bigyang-disiplina ang mamamayan kahit pa miyembro ng media upang makausad naman sa pagkakalugmok ang kanyang bansang pinaglilingkuran.

Dapat, idagdag ni PNoy sa listahan ng mga dapat disiplina-hin sa usaping trapiko ang mga sasakyan ng mga mambabatas na pawang nakasabit na plaka ay “8.”

Okay lang sana kung nakalagay sa harap ng sasakyan ang plakang “8” pero kung ganitong numero rin ang plakang nakakabit sa likod ay hindi na ito tama.

Dapat sa ganitong mga matitigas ang ulo at tila may itinatago kaya hindi ikinakabit ang totoong plaka sa hulihan ng sasakyan ay hindi lang hulihin, kumpiskahin ang sasakyan pero dapat ding parusahan ng pagkakakulong ang may-ari ng sasakyan.

Paano kung may aksidenteng mangyari at ang nakita lang ng saksi ay ang plakang “8” sa harap at likod, sino ang mananagot dito? Madaragdag na naman ito sa kaso na hindi nalulutas ng mga alagad ng batas?

Upang hindi ito mangyari, makabubuting ipag-utos ng hepe ng Land Transportation Office  na si Assistant Secretary Virgie Tor-res ang pagpapatupad ng tamang paggamit ng plakang “8.”

Ipahuli ang mga sasakyang hindi tama ang pagkakakabit ng nasabing pribilehiyong plaka.

Pero sana, hindi ito maging sanhi na naman ng korapsyon dahil tiyak na may mga nagpapatupad ng batas trapiko na kapag nakahuli ng mga abusado at walang disiplinang tsuper, sa halip na tiketan o bigyang parusa ay pakakawalan lang kapalit ng maliit na halaga.

Hay naku, sana maging mahigpit na ang LTO sa pagpapa-tupad ng tamang disiplina sa paggamit ng plakang “8” dahil maraming sasakyan ng hindi na mga mambabatas ay may nakakabit pa ring ganitong plaka.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply