DOH, igigisa sa expired na gamot

IIMBESTIGAHAN ng Senate committee on trade and commerce ang regulasyon at patakaran ng Department of Health (DOH) hinggil sa usapin ng expiry date ng gamot bunsod ng ulat mula sa Harvard Medical School na may bisa pa ang gamot kahit 15 taon ang nakalipas.

Ayon kay Sen. Manny Villar, chairman ng komite, kailangang masagot ng DOH ang ulat na maaari pang gamitin ang expired na gamot na lampas sa expiration date upang matiyak na ligtas sa kalusugan ng pasyente ang naturang medisina.

Base sa ulat ng Harvard School of Medicine, umaabot sa 90 porsiyento ng mahigit 100 gamot na ibinigay ng doktor at nabibili sa botika ay puwede pang gamitin sa loob ng 15 taon matapos mapaso ang expiration date.

Hindi kasama sa bagong teoriyang ito ng extended shelf life ng medisina ang tetracycline, nitroglycerine, insulin at liquid antibiotics.

“Hindi ko hinihikayat na tayo’y mag-ikot para mamahagi ng expired na gamot sa ating mga kababayan. Pero sa akin, ang bagong ideyang ito, na suportado ng masusing pag-aaral ay maaari nating mapakinabangan,”ani Villar.

Nalaman ni Villar na umaabot sa P 4 hanggang P 5 bilyon ang taunang ginagastos ng Department of Health (DOH) para sa pagbili ng gamot kung saan 15 porsyento na ito ng kabuuang budget ng kagawaran.

Gusto ring malaman ni Villar mula kay DOH Secretary Enrique Ona kung magkano ang nasasayang na pondo ng kanyang tanggapan mula sa nabiling gamot na inabutan ng expiration date.

Sinuportahan din ni Villar ang rekomendasyon ng ilang resource persons sa pagdinig na magkaroon ng batas na papayagan ang pagsosoli ng expired drugs na hindi na mabisa sa mga tindahan kapalit ang refund.

Napag-alaman ng senador na nagsimula ang paglalagay ng expiration date sa gamot sa Estados Unidos noong 1979 upang magarantiyahan ang bisa ng gamot sa mga taong may sakit.

Pero noong dekada 90, hiniling ng US military sa US Food and Drug Administration(USFDA) na magsagawa ng pag-aaral sa bisa ng gamot na lagpas na sa expiration date, bunsod na rin ng $ 100 milyon kada taon na ginagastos ng US military sa pagpapalit ng expired medicines.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply