Dolyar vs piso: Negosyo OFW, nagkakaloko-loko

NAGHAHALO ang balat sa tinalupan sa nagaganap na pagbabago ng palitan ng piso sa dolyar dahil sa krisis sa paglubog sa utang ng Estados Unidos.

Habang may natutuwa sa paglakas ng piso, mayroon namang nalulungkot.

Kawawang OFW.

Ang milyon-milyong Overseas Filipino Worker ang tinatamaan nang husto ng paglakas ng piso laban sa dolyar.

Sa paglakas kasi ng piso laban sa dolyar, lumiliit ang  bilang ng piso na padala ng mga OFW sa kanilang mga pamilya rito. Halimbawa, noong P56 sa $1 ang palitan, tumatanggap ang mga pamilya ng P56,000 kada $1,000.

Nagkakasya ito sa hulog sa hulugan o upa sa bahay, sasakyan, gamit sa bahay, bayad sa pinagkakautangang Bumbay, tuition fee, promissory note sa ospital at kung ano-ano pa.

Ngayong nasa P42,000 na lang ang $1,000 at P14 mil ang nalagas, nagkakarambola ang pamilya OFWs kung saan sila kukuha ng panghulog at pambayad sa utang.

EXPORTER SARADO

Sa rekord naman ng mga negosyante na exporter, mayroon nang nagsara ng kanilang mga pabrika.

Dahil nga sa paghina ng dolyar, mga Bro, kinakailangan ng mga buyer ng ating mga produkto sa ibang bansa na maglabas ng maraming dolyar para sila makabili.

Dahil mahal ang ating produkto, nagiging matumal ang benta natin o wala talaga tayong maibenta.

Sapilitan ngayong nagsasara sa pagkalugi ang ating mga exporter dahil dito.

IMPORTED MATUMAL

Masaya ang mga importer ng mga produkto dahil sa pagliit naman ng piso na kanilang ginagastos para ipambili ng mga imported product.

Pero matumal naman ang benta nila dahil ang mga may kakayahan na bumili gaya ng milyon-milyong pamilyang OFW ay maliit o walang pambili o panghulog dahil nga sa pagliit ng halaga ng remittance.

PNOY, SAKLOLO

Kalahati ng ekonomiya ng mahal kong Pinas, ang mga exporter at OFW, ang napipilay dahil sa masamang palitan ng piso at dolyar.

Alanganin din ang ating mga importer.

Dahil sa paghahalo ng balat sa tinalupan dito, tiyak namang magkaloko-loko ang buhay nating lahat.

Isa sa nakabibigat ay kahit anong palitan ng piso at dolyar, panay ang taas ng presyo ng mga bilihin, langis, tubig, kuryente, pagkain, ospital, punerarya at iba pa.

Anak ng mga putakte, PNoy, ano ang gagawin mo?

Anomang reklamo ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM, www.remate.ph o itawag sa 09214303333

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply