Droga, hulidap at pang-aabuso sa NBP (2)

NAKALALAKI ng puso na may text messages na natanggap ang Pakurot mula sa mga mambabasa ng Remate na pawang nagkukumpirma sa mga naisulat sa column na ito.

Tulad ng binanggit ko sa naunang column, ilalahad natin ngayon ang modus operandi ng panghuhulidap ng bilanggong si Froilan Tresteza, lider ng Batang City Jail na nakapiit sa New Bilibid Prisons sa ilalim ng Maximum Security Compound (MSC).

Ayon sa letter sender, madalas nagaganap ang hulidap kapag ang dalaw ng preso, lalo’t Intsik o dayuhan, ay hindi nagbigay ng padulas sa grupo ni Poypoy o kaya naman ay hindi sapat ang perang iniabot sa mga ito. Nanlalaki ang mga mata ni Poypoy at mga bata nito kapag nakita nilang paldo (maraming pera) ang dalaw subalit kuripot naman ito.

Pag-alis ng dalaw, tatawagan na ng walanghiyang preso ang kanyang mga kontak na pulis sa labas na pawang nakasama rin niya sa bilangguan at doon ibibigay ang mga detalye kaugnay sa sasakyan, suot at iba pang pagkakakilanlan sa bibiktimahin nila.

Dito na magkakaroon ng hulidap. Hindi nga sa loob ng piitan subalit nasasakupan pa rin ng Muntinlupa. Isasakote ng mga kakutsabang pulis ni Poypoy ang dalaw at sa daan pipiliting sumuka ng pera bilang areglo.

Kapag matigas pa rin ang  dalaw at ayaw pa ring maglabas o magbigay ng pera, dito na papasok ang taniman ng droga. Natural, mapipilitan ang biktima na sumuka ng salapi na puro Tito, Vic and Joey (P1,000) para huwag siyang kasuhan ng mga tiwaling Lacoste (buwayang pulis).

Kapag wala talagang perang dala, tiyak na mapipilitan ang kawawang dalaw na mag-withdraw sa Automated Teller Machine at kapag minalas pa, malamang na sasairin ng mga timawang parak ang laman ng kanyang bangko.

May isang texter ang nagsabi na hindi lang mga pulis mula sa Southern Police District (SPD) sa Fort Bonifacio ang gumagawa ng hulidap sa Muntinlupa.

Maging ang ilang taga-Cavite raw ay dumarayo sa nasabing lugar dahil kakilala rin at tinatawagan ang mga ito ni Poypoy.

Hindi lamang naman mga pulis ang kakutsaba ni Poypoy subalit maging ang ilang Intsik na nakapiit din sa MSC ng NBP. Siyempre, kasama ang pera sa usaping ito.

Ibabayad ng Intsik kay Poypoy ang panghuhulidap sa bisita ng kanilang kasama sa kulungan.

Sinabi pa ng impormante na nabiktima na siya ng hulidap ng grupo ni Tresteza kaya’t alam niya na maging ang ilang piskal ay kakutsaba ng pulis na kaibigan nito.

Marami na rin ngayon sa mga dalaw ng preso ang tinatamad na o ayaw ng bumisita sa kanilang mga kaanak na nahiwalay sa lipunan dahil na rin sa takot sa mga iligal na gawain ni Poypoy.

Idinagdag naman ng letter sender na marami ring preso ang inaabuso ng malupit na lider ng BCJ at grupo nito lalo na kapag walang perang maibigay sa kanila.

Hindi lang masasakit na salita mula sa matalim na dila ni Tresteza ang pinagdaraanan ng mga yagit na preso kundi maging sa pambubugbog at pag-uuntog ng ulo sa pader.

Wala raw pinipiling araw sa paghingi ng pera si Tresteza sa mga kaselda at kapwa preso niya. Kapag hindi nakapagbigay, hindi papayagan ang preso na makalabas ng kanyang selda o brigade at siya pa ang alila sa lahat ng gawain.

Nakarating na ba ito sa kaalaman ni ret. Gen. Gaudencio Pangilinan? Malamang, hindi dahil wala naman siyang pakialam sa kapakanan ng mga preso. Kasi naman, pagkakakitaan ba ito?

Dapat nga sigurong malaman na ito ni Secretary Leila de Lima ng Department of Justice upang siya na ang gumawa ng paraan upang maibsan naman ang paghihirap ng mga taong wala na ngang kalayaan ay pinagmamalupitan pa ng mga tulad ni Tresteza.

Naniniwala ang mga preso sa NBP na si De Lima ang pag-asa nila upang mabago ang sistema sa pambansang piitan dahil batid nila na ito ay makatao lalo’t naging commissioner ito sa Commission on Human Rights.

Kung nais po ninyong ibahagi ang karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya at pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari po kayong magtext sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean-11@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply