Droga, hulidap at pang-aabuso sa NBP (3)

MALIBAN sa text message at sulat, may hirit pa na nagbigay ng detalye hinggil sa iligal na gawain sa New Bilibid Prisons (NBP) ng grupo ni Froilan “Poypoy” Tresteza, commander ng Batang City Jail (BCJ), isang ginang ang tumawag at nagpatotoo sa mga sinulat ng PAKUROT dahil maging siya ay naging biktima rin ng hulidap sa Muntinlupa.

Ikinuwento ng ginang na hindi barya-barya ang kinikita sa iligal na gawain subalit malakihan. Hindi bumababa sa P200,000 ang usapin sa hulidap na ito. Sa totoo lang, ang babaeng tumawag ang nagtama sa inyong lingkod na hindi lider ng BCJ si Poypoy kung hindi kumander.

Natatakot ang tumawag na magpakilala dahil baka malagay sa peligro ang kanyang asawang nakapiit sa Maximum Security Compound ng NBP. Nasabi pa rin niya na maging ang isang guro sa isang international school na ang asawa ay isang Negro ay sumuka ng P600,000 matapos mabiktima ng hulidap ng grupo ni Tresteza.

Itinuro ng impormante na isang dating pulis na napiit din sa nasabing kulungan at naging commander din ng BCJ ang pointer o tagaturo ng mga bibiktimahin.

Ihahabol ko na rin ang mensahe ng isang texter na nagsabing mas naging grabe ang iligal na gawain sa MSC simula nang manungkulan si Poypoy bilang commander ng BCJ. “Noong hindi pa nanunungkulan ang commander na ito, ganito na po ang gawain nila, eh di lalo na po ngayong nakapuwesto siya.” Ipinagmamalaki kasi umano nito ang acting superintendent na si Richard Schwarzkopf kaya naman malakas ang loob na gawin ang kanilang mga kalokohan.

Naging talamak na ang bentahan ng droga, alak at “isda” ngayong ang nakaupo bilang commander ay si Tresteza. Pero nilinaw ng texter na ang salitang isda ay napakasarap sa pandinig ng mga preso dahil ang ibig sabihin nito ay mga babaeng nagbibigay ng aliw kapalit ng pera.

Siyempre, kumikita ang mga “isda”, grupo ni Poypoy at siyempre ang pamunuan ng Bureau of Corrections. Dapat alam ito ni BuCor director ret. Gen. Gaudencio Pangilinan. Bakit tila bulag na bulag ang bagong upong opisyal ng NBP?

Dahil kaya ito sa hindi naman gawaing pang-sibilyan ang kanyang pinagmulan? Hindi naman kasi mga sundalo at mga rebelde ang kaharap niya rito. Dapat kasi ang iniupong director ng BuCor ay malapit sa sibilyan at higit sa lahat walang kasong plunder.

Siyanga pala, isiningit din ng impormante na ngayon ay may opisina na sa BuCor ang isang Col. Maki Boy, miyembro rin ng BCJ. Si Maki Boy ay kaklase ni Pangilinan sa Philippine Military Academy Class ’79. Kaya naman mas lalong naging bigtime o siga si Tresteza sa piitan.

Maging ang pagbisita umano ng pamilya o nagpapakilalang pamilya ng preso ay hindi na ilang oras o araw lang subalit halos sa loob na ng piitan tumira.

Biyernes pa lang daw ng umaga ay nasa piitan na ang dalaw, doon na titigil hanggang Linggo ng gabi o Lunes ng umaga. Wala umanong magawa ang pamunuan ng BuCor dahil takot ang mga ito na magwala ang mga preso na ayon sa texter ay sinusulsulan ng grupo ni Tresteza dahil isang paraan ito upang magkapera sila.

Hindi na ako nagulat nang kahapon ng umaga ay may presong nagtext muli sa PAKUROT at nagsasabing ngayon ay pinapipirma ni Poypoy ang mga preso sa isang affidavit na nagsasabing mali ang impormasyong natanggap ng inyong lingkod at nagsasabing walang katotohanan ang mga naisulat.

Kaya naman bilang bahagi ng pantay na pamamahayag, hihintayin ko po ang sagot ng naugnay sa usaping ito. Subalit nananawagan pa rin po ang ating pitak sa pamunuan ng Department of Justice lalo na kay Secretary Leila de Lima na gumawa ng hakbang upang maimbestigahan ang mga iligal na gawain sa piitan para na rin sa kapakanan ng mga preso.

Kung nais po ninyong ibahagi ang karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya at pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari po kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi _lean11@yahoo.com.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply