Epekto ng TRO sa smoking ban simula na

TINANGGAL na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang mga Green Enforcers nito sa mga kalsada makaraang magsimula ang epekto ng Temporary Restraining Order na inisyu ng korte matapos makapagbayad ng court bond ang mga petitioner ng halagang P100,000.

Ayon sa abogado ng mga petitioner na si Atty. Luis de la Paz, nag-ambag ambag ang maraming sektor kabilang na ang mga tobacco farmers ng La Union upang makalikom ng nabanggit na halaga para sa court bond upang suportahan ang kaso ng mga petitioner laban sa Smoking Ban campaign ng MMDA.

Nalungkot naman si MMDA Chairman Francis Tolentino sa TRO na lumabas subalit wala umano silang magagawa kundi ang sumunod sa korte.

Kaalinsabay ng pagsisimula ng TRO ay naghain na rin ang MMDA sa korte ng motion for reconsideration sa dahilan umanong walang basehan ang korte na pigilan ang nasabing kampanya.

Hindi na huhulihin ng MMDA ang mga naninigarilyo sa mga kalsada at sidewalks na nakasaad sa TRO na ikinatuwa naman ng mga nagbebenta ng sigarilyo sa mga kalsada.

Nagbabala rin ang MMDA na patuloy pa rin ang smoking ban sa mga pampublikong lugar na hindi sakop ng TRO tulad sa mga bus terminals, mga paligid ng ospital at paligid ng mga opisina ng pamahalaan. Ben Reyes

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply