Grupo ni Kato ‘di problema sa peace talks

NANININDIGAN ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na hindi problema sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayaan sa pagitan ng kanilang grupo at ng gobyerno ang breakaway group na pinamumunuan ni dating MILF 105th base commander Ameril Umbra Kato.

Ito ang iginiit ni MILF vice chairman for political affairs Ghadzali Jaafar nang makapanayam.

Ayon kay Jaafar, napakaliit ng grupo ni Kato na may miyembrong mahigit sa 300 upang manggulo at maging sagabal sa muling pag-uusap ng dalawang panig.

Dagdag pa ni Jaafar, hindi organisadong grupo ang pinamumunuan ni Kato, walang structure of command, walang code of ethics, walang sinusunod na guidelines at hindi rin umano maaaring ihambing o igaya man lamang sa kanilang pamunuan.

Kaya dapat umanong walang dapat na ipangamba ang gobyerno.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Jaafar na hindi katulad ng naging kontrobersiyal na MOA-AD ang isinusulong na compact agreement on sub-state ng MILF at dapat umanong basahin muna ito ng mga kritiko bago magkomentaryo laban sa kanila.

Una rito, hinihiling ng Malacañang sa MILF na linawin kung ano talaga ang status ni Umbra Kato at kung may gusot man sa kanilang hanay ay ayusin ito.

Nabanggit ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na aalamin ni government chief negotiator Marvic Leonen sa mga counterpart ang isyu kay Kumander Kato.

Sinabi ni Lacierda, dapat malinawan ang isyu para maging basehan ng AFP sa gagawing operasyon.

Pero mabilis namang nilinaw ni Lacierda na pag-uusapan pa ito sa pagpapatuloy ng formal peace talks sa August 22-24 sa Kuala Lumpur, Malaysia.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply