Blue Ribbon hinaharang ang ‘Hello, Garci’ probe

MALAMANG na isa si Sen. Teosfisto Guingona III, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, sa humaharang sa muling pagbubukas ng imbestigasyon sa “Hello, Garci” scandal sa kabila ng pagkakalantad ng mahahalagang impormasyon sa dayaan noong 2004 presidential elections.

Ganito ang ipinahiwatig ni Sen. Alan Peter Cayetano sa nabitin na muling pagbubukas ng imbestigasyon ng Senado sa nasabing iskandalo dahil hinaharang ng ilang senador.

Ibinulgar ni Cayetano na hawak na ng Senate Blue Ribbon Committee ang trabaho upang muling busisiin ang Hello Garci scandal o ang isyu ng dayaan noong 2004 presidential elections, subalit may ilang senador na pumipigil dito.

“I was informed last week na may konting resistance or meaning some senators ay ayaw nang buksan ito,” paglalahad ni Cayetano.

Nanindigan naman ang senador na dapat itong imbestigahan ng Senado dahil marami pang nakatagong impormasyong  hindi nabubunyag sa publiko.

Aniya, kailangang ipatawag ng komite si dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano upang matanong ito sa pinag-usapan nila ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo hinggil sa dagdag-bawas operation.

“I think it would be better na we have everything out in the open at saka sabi ko mother ito of all investigation ito ng Arroyo administration,” giit ng senador.

Oras na gumulong na ang imbestigasyon ng Senado, mahihingi na rin nila ang kopya ng report hinggil sa isinagawang imbestigasyon ni dating Navy Vice Admiral Mateo Mayuga sa naging partisipasyon ng military sa dayaan ng eleksyon noong 2004.

Ang Mayuga report ay hindi pa nabubunyag sa publiko dahil ginawa itong “top secret.”

Sinabi pa ni Cayetano na malaking tulong din ang isinasagawang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa binansagang chopper scandal ng Philippine National Police (PNP) dahil lumilitaw na ang helicopter ni dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo ay ginamit sa “special operations” sa Mindanao noong 2004. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply