Guingona kay Iggy Arroyo: ‘Bumenta na yan’

LUMANG tugtugin na yan, bumenta na yan!”

Ito ang kagyat na reaksyon ni Sen. Teofisto Guingona III, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, matapos saklolohan  na naman ni Negros Occidental Rep. Ignacio “Iggy” Arroyo ang problemang kinakaharap ng kanyang kapatid na si dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo.

Ayon kay Guingona, pinagtatakpan na naman ni Rep. Arroyo ang kanyang kapatid sa panibagong kontrobersyang kinasasangkutan tulad ng ginawang pag-ako sa Jose Pidal account noong 2004.

“Sinasalo na naman niya yung kapatid niya,” ayon sa senador.

Sa kabila nito, padadalhan ni Guingona ng imbitasyon si Iggy para humarap sa imbestigasyon ng komite ngayong Agosto 22 at ipaliwanag ang sinasabing lease agreement na pinasok nito sa Lion Air Inc. para sa limang helicopter noong 2004.

Sinabi ni Guingona na iwe-waive niya ang inter-parliamentary courtesy o ang alituntunin na nagbabawal sa isang mambabatas na ipatawag sa congressional inquiry ang kapwa mambabatas, dahil mas matimbang ang isyung corruption na kinasasangkutan ng dating Unang Ginoo at ng kapatid nitong si Iggy.

Inako ni Iggy ang problemang kinasasangkutan ng kanyang kapatid sa chopper scandal ng Philippine National Police (PNP), dalawang araw bago ang ikawalong taon ng anibersaryo ng talumpati ni Sen. Panfilo Lacson sa Senado noong Agosto 2003 kung saan nilantad nito ang Jose Pidal account ni Mike Arroyo para umano sa money laundering activities nito.

Inabot pa ng tatlong linggo noon bago inako ni Iggy, noon ay private citizen pa lamang at hindi nagsasampa ng income tax return (ITR), ang Jose Pidal account subalit nag-invoke na ito sa ‘right to privacy’ upang hindi na mabusisi sa naturang account.

Dalawang linggo na ang nakakaraan simula nang lumantad sina Archival Legaspi Po, presidente ng Lion Air at Hilario De Vera, presidente ng MAPTRA, at idiniin ang asawa ni dating Pangulong Arroyo bilang may-ari ng dalawang lumang helicopter na binenta bilang mga ‘brand new’ sa PNP noong 2009.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply