Hataw si Carla Abellana

ABA, in demand pala ang beauty ni Carla Abellana ngayon. Siya pala ang leading lady ni Jeorge Estragan (o ER Ejercito) sa “Asyong Salonga” na isa sa mga entry sa darating na Metro Manila Film Festival (may iba pang tinatapos ngayon na movie and TV projects si Carla).

Ayon sa director ng Asyong Salonga na si  Tikoy Aguiluz, halos tapos na ang syuting ng pelikula. Mga remnants na lang daw ang kukunan, bagama’t ang feeling ni Direk ay mga tatlong araw pa rin ang makokonsumo sa pagtatapos ng mga naiwang minor scenes sa pelikula. Bale remake ito ng isa sa mga pelikula na nagpasikat sa uncle ni ER na si Joseph “Erap” Estrada, kapatid ng yumaong ama ni ER na ang pangalan naman sa showbiz noon ay George Estregan.

Actually, hindi lang naman si Carla ang abala. Sina ER man at Direk Tikoy ay abalang-abala din. Kasi nga, nagsisimula na rin silang magsyuting ng “El Presidente,” kung saan si ER pa rin ang pangunanahin bituin, kasama ang balikbayang Superstar na si Nora Aunor (na walong taon na namalagi sa Amerika). At ayon kay Direk, nung small-group interview namin with him nung press conference para sa El Presidente, baka si Carla rin ang kunin nilang gumanap na first wife ni Emilio Aguinaldo na siyang main subject ng pelikula. Nabalitaan n’yo na sigurong ang superstar ang gaganap sa second wife ni Aguinaldo na si Maria Agoncillo (hindi po Marcela, ibang tao po si Marcela, na sumikat bilang isa sa mga tumahi ng kauna-unahang bandila ng ating bansa).

Alam n’yo na rin sigurong si Robin Padilla ang kinukuha nila para gumanap na Andres Bonifacio, ang isa pang bayani ng bansa na umano’y ipinapatay ni Aguinaldo nung mga huling taon ng Himagsikan laban sa mga mananakop na Kastila dahil karibal n’ya (ni Aguinaldo) ito sa pamumuno ng Katipunan. Ayon kay ER, siya mismo ang kumausap kay Robin at pumayag na ang mister ni Marielle Rodriguez. (Pero nilinaw ni ER na hindi siya mismo ang producer ng pelikula kundi si Maylin Enriquez at si Ms. Enriquez ang makikipagsara kay Robin para sa partisipasyon nito sa El Presidente.)

Pero alam n’yo na bang si Solenn Heusaff ang ikinukunsidera ng produksyon (Cinema Concept) para gumanap na young foreign journalist na nagsasaliksik tungkol sa buhay ni Aguinaldo. Ito’y ayon pa rin kay Direk Tikoy.

At kung matutuloy si Solenn, malamang ay marami siyang eksena with the superstar and ER. Kasi nga, flashback ang magiging estilo ng paglalahad ng kuwento ng buhay ni General Emilio Aguinaldo na naging Presidente rin ng tinaguriang First Republic of the Philippines (maraming beses po kasing ipinroklama ang pagiging malaya nating republika, kaya may first, second, na umabot pa sa fifth or sixth yata, ayon sa pagkaalala namin ng Philippine History at Political Science 101).

Bale ang maiinterbyu ng young foreign journalist ay ang retirado ng Heneral at ang pangalawang misis nito na si Maria Agoncillo. Nag-Google kami at napag-alaman naming nung 1931 pala pinakasalan ni Aguinaldo si Maria.

By that time, 60 years old na ang dating Presidente at heneral, pero 49 years old pa lang si Maria. Hindi naman unknown si Maria, kahit na mas sikat sa kanya sa Philippine History si Marcela na kamag-anak n’ya. Isang nurse pala si Maria at ina-acknowledge siya sa mga website on the history of Philippine Nursing bilang isa sa pinakamatatapang at pinakamakabayang nurse.

Inabot rin ni Maria ang mga huling taon ng Himagsikan, pati na ang Philipine-American War, at nakapaglingkod siya sa ating mga Katipunero, sundalo, at gerilya. Pero, ayon kay Direk Tikoy, hindi nagkita nung panahon  ng digmaan sina Aguinaldo at Maria. Much later na lang sila nagakilala—at nag-ibigan. And for some reasons, kahit na mas bata si Maria ng 11 taon kesa sa Heneral, nauna itong yumao.

Actually, sa 2012 pa nakatakdang ipalabas ang El Presidente. Hindi raw nila wawarde-wardehin ang pagyusyuting ng historical movie na ito. Bubusisiin nila ang lahat, lalo na ang production design nito. As of now, parang di pa finalized kung ilang shooting days ang kailangan nila para mga eksena ni La Aunor. Pero alam siguro nilang bilang isang green card-holder, hanggang limang buwan lang na walang patlang ang pwedeng ilagi dito ng balikbayang aktres. Siguro naman ay uunahin nila ang mga eksena nito, lalo pa’t alam din nilang may mini-series na gagawin si Guy para sa TV5. Ni hindi na nga makapag-committ si Guy kay Mother Lily na gusto siyang kunin para sa pang-anim na installment ng Mano Po series n’ya para sa darating na Metro Manila Film Festival, dahil bibigyang priority ng superstar ang El Presidente at ang mini-series n’ya ang latest na title ay “Sa Ngalan ng Ina. “

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply