HDO vs Padaca inilabas ng Sandiganbayan

NAGLABAS ang Sandiganbayan ng Hold Departure Order (HDO) laban kay dating governor Grace Padaca at sa tatlong iba pa na nahaharap sa kasong malversation of public funds at paglabag sa Anti-Graft and Corruption Practices Act na isinampa sa Office of the Ombudsman.

Sa desisyon ng 5th division ng Sandiganbayan, ipinag-utos sa commissioner ng Bureau of Immigration (BoC) na isali sa HDO list si Padaca kasama sina Vice Mayor Cervando Soriano ng Roxas, Isabela, Dionisio Pine, manager ng Economic Development for Western Isabela and Northern Luzon Foundation, Inc (EDWINLFI) at dating provincial legal officer Jonas Lamorena na yumao na dahil sa sakit.

Noong Marso, inirekomenda ng Ombudsman sa Sandiganbayan na kasuhan ng malversation of public funds si Padaca at tatlo pa.

Ang resolusyon ng Ombudsman ay batay sa kasong isinampa ni dating Rep. Santiago Respicio ng 2nd district ng Isabela dahil sa pagkakaloob umano ni Padaca ng P25 million sa EDWINLFI na pribadong foundation para tustusan ang priority hybrid rice program ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela.

Batay sa paratang ni Respicio, ang provincial government ay nakakuha ng P35 million loan sa Development Bank of the Philippines (DBP) Ilagan, Isabela branch.

Ang loan ay pondo para sa Priority Agricultural Modernization Project ng pamahalaang panlalawigan.

Ibinigay umano ni Padaca ang P25 million sa EDWINLFI matapos i-release ng DBM ang loan.

Ang EDWINLFI ay pinamumunuan ni Soriano bilang chairman, habang ang manager ay ang isa pang respondent sa kaso na si Pine at si yumaong Lamorena ang director.

Para patunayan ni Respicio ang kanyang alegasyon, naghain siya ng photocopy ng DBP check No. 1679814 na may petsang February 2006 na nagsasaad na ang tseke ay inisyu ni Padaca para sa EDWINLFI.

Kasama ng dokumento ang official receipt No. 230022 na may petsang February 23, 2006 na nagsasaad na natanggap mula sa provincial government ang halagang P25 milyon.

Iginiit ni Respicio na labag sa batas ang hakbang dahil ang pondo ng pamahalaang panlalawigan ay nagamit para sa pribadong pamararaan.

Sa kanyang counter-affidavit na iniharap sa tanggapan ng Ombudsman, itinanggi ni Padaca ang paratang na iregularidad sa paggamit ng loan na nakuha ng provincial gov’t sa DBP at ang pagbibigay ng pabor sa EDWINLFI sa pamamagitan ng ipinagkaloob na P25 million.

Iginiit ng dating governor na ang pag-utang sa DBP at ang pagkakaloob ng malaking halaga sa EDWINLFI ay pinayagan ng sangguniang panlalawigan ng Isabela sa pamamagitan ng inaprubahang Resolution No. 061 na may petsang December 2005 at ang Resolution No. 09 na may petsang January 2006.

Niratipikahan din ng sangguniang panlalawigan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng provincial gov’t at EDWINLFI batay sa Resolution No. 03 na adopted noong January 31, 2007.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply