‘High Risk Zone’ sa QC hindi maaaring tirahan

HINDI umano uubrang tirahan ng mga taga-Quezon City ang mga lugar sa lungsod na ideneklarang “high risk zones “ ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ito ang sinabi ni QC Administrator Victor Endriga bilang tugon sa panawagan ni Environment Secretary Ramon Paje na aksyunan ang kanilang abiso na ilagay sa mas ligtas na lugar ang constituents na kinilala ng ahensiya bilang high risk zone.

Sinabi ni Endriga na inuna nilang ilipat sa mas ligtas na lugar kasama ng mga informal settler ang mga nakita nilang mamamayan ng QC na nasa high risk zone tulad ng mga nakatira sa tabing ilog, ilalim ng tulay, waterways at iba pa.

“Taun-taon na lang kase na kapag may bagyo, pag  maulan ay yun din ang taun-taon na apektado ng baha at bagyo kaya sila ang nauna naming natulungan” pahayag ni Endriga.

Ang mga lugar aniya na una nang kinilalang danger zone ay ang mga barangay ng Damayang Lagi, Tatalon, Roxas District, Tulyahan at iba pa na karaniwan ng binabaha tuwing maulan at may bagyo.

Ayon kay Endriga, hihimukin din ng lokal na pamahalaan ang mga lehitimong residente na nakatira sa danger zones na makalipat sa mas ligtas na lugar upang mapangalagaan ang kanilang buhay at ari-arian.

“Kung hindi sila aalis sa lugar nila, mapipilitan ang City government na gumawa ng waiver na nagsasaad na walang responsibilidad ang city government sa kanila oras na may mangyari sa kanila kapag may bagyo o anumang kalamidad dahil hindi nila ginawa ang abiso naming. Yun naman ay para sa kanilang kaligtasan at kapakanan” pahayag ni Endriga

Aniya, naglaan ang city government ng P200 milyon o limang porsiyento ng P10.25 bilyon ng taunang badyet ng lungsod na magagamit sa pagtugon sa mga problemang may kinalaman sa kalamidad.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply