Hustisya para kay Sammy Delana

BANDANG alas 10:15 ng umaga noong Agosto 9, 2011, umalingawngaw ang sunod-sunod na putok sa isang lugar sa Bagong Silang, Caloocan City.

Sumunod ay ingay ng mga tambutso ng mga motorsiklong papatakas,  lulan ang ilang armadong lalaking may takip ang mga mukha.

Samantala, sa lugar ng putukan, nagkagulo ang mga tao. Binuhat ang isang lalaki at mabilis na isinugod sa malapit na ospital.

Ngunit sa pagamutan, idineklarang patay na ang duguang lalaki na nakilala ng mga nagrespondeng pulis na si Sammy Delana.

Sa pagsisiyasat, napag-alaman na si Delana ay political leader pala ni Caloocan City Vice Mayor Edgar  ‘Egay’ Erice.

Si Delana, ayon sa Bise Alkalde, ay isang masipag at pinagkakatiwalaan niyang lider na walang takot na isinusulong ang tama.
Naniniwala si Erice na walang ibang dahilan, kundi pulitika ang ugat kaya pinag-interesan ang buhay ng kanyang political leader.

Masalimuot ngayon  ang kaganapan  sa  Caloocan. Sa  mga radyo, telebisyon at pahayagan, ang laman ay tungkol sa lungsod. Dahil sa mga nangyayaring ito, pati ang Pangulong Noynoy Aquino ay nakialam na.

Iniutos sa pulisya na “dakpin ang killers ni Delana”.

Dahil si PNoy na ang nagsalita, ang kapulisan naman ay kumilos kaya nabuo ang grupo na tinawag nilang ‘Task Force Delana.”

Hangad natin na sa lalong madaling panahon ay malutas ng bumubuo ng ‘Task Force  Delana” ang pagkakapaslang sa biktima.

Malaki ang posibilidad sa sapantaha ni Vice Mayor Erice na pulitika ang dahilan sa pagkaka-ambus at pagkamatay ni Delana.

Pero, kahit na ano pa ang dahilan sa pagpatay kay Delana, dapat na madakip ang mga suspek at pagbayaran ang ginawa nilang kasalanan.

Si Delana ay tulad din ng karamihan – may asawa’t anak – kaya nagtatrabaho para mabuhay ang mga mahal sa buhay.

Isantabi na natin ang kanyang pagiging political leader at ilagay sa ating mga utak na siya’y pangkaraniwang tao lang. Dapat makamit ni Delana ang hustisya.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply