Importers pinagpapaliwanag sa 1,800 nawawalang used cars

PINAGPAPALIWANAG ng isang mataas na opisyal ng Bureau of Customs ang may 40 importer kung paano nawala sa kani-kanilang mga bodega ang may 1,800 na segunda -manong sasakyan na kabilang sa 2,907 na inimbentaryo ng pamahalaan noong 2007.

Ipinag-utos na i-ban ng dating Arroyo Administration ang pagbebenta ng mga segunda -manong imported na mga sasakyan sa pamamagitan ng isang Executive Order No. 156 sa pagtalima sa bagong tariff agreement na itinakda noong taong nabanggit.

Ayon kay Errol Albano, hepe ng Bureau of Customs sa Subic Freeport, kailangan umanong magsumite ang mga importers ng mga dokumento kung nasaan ang mga nawawalang sasakyan at kung hindi ay mahaharap sa mga kaso.

Sa panibagong pag-imbentaryo na isinagawa ng BOC at Subic Bay Metropolitan Authority, kulang na ng 1,800 na mga second hand cars ang mga bodega ng mga importers.

Sa rekord ng pamahalaan, lumabas na 300 sa mga ito ay inilabas na muli sa bansa o nare-export at kung ganito rin ang nagyari sa iba ng nawawala ay dapat ipakita ng mga importers ang mga kaukulang dokumento na magpapatunay na ganun nga ang kanilang ginawa..

“Ang mga imported na sasakyan na inabutan ng EO 156 ay hindi kinumpiska ng pamahalaan,” paglilinaw ni Albano.

Ang mga ito ay inilagay lamang sa control list at maaari itong gamitin sa Freeport, ibenta sa loob lamang ng Subic o di kayay ire-export sa ibang bansa.

Isang broker na nakilalang si Daisy Caguin ang nagsabi na marami sa mga importers ang nakumpleto na ang bentahan ng kanilang mga sasakyan o nabayaran na ng kanilang mga customer bago umepekto ang EO 156. At nang mag-imbentaryo ang pamahalaan ay nakasama ang mga ito sa kanilang mga paradahan at sa bilangan ng mga controlled list.

Umaasa ang mga importers na maunawaan ng mga opisyal ng Customs na marami sa mga sasakyan noong 2007 ang bayad na bago pa man bumaba ang EO 156 at may ipakikita umano ang mga ito ng katunayan ng mga sales transactions bago pa ang nasabing ban.

Nabigla umano ang mga importers sa biglaang ban sa imported na mga sasakyan noong 2007 na ikinalugi ng mga ito. Ben Reyes

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply