Isyu mo ‘to

NAGULAT pa raw ang artist na si Mideo Cruz sa bayolenteng reaksyon ng mga Katoliko sa kanyang art exhibit sa Cultural Center of the Philippines (CCP) kung saan nagdisplay siya ng art works na garapalang bumaboy sa imahe ni Kristo at ng Birheng Maria.

Nagduda tuloy ang ilan sa katinuan ng isip ni Cruz.

Nagulat pa siya?

Ang sabi  ng  marami, dapat ay idemanda si Cruz at ikulong sampu ng kanyang mga kakutsaba sa University of Sto. Tomas at sa CCP.

Napakaraming isyu ngayon ang yumayanig sa pananampalataya ng Simbahang Katolika.

Nariyan ang RH Bill, ang Divorce Bill, ang iskandalo na dulot ng placard na inilabas ng tourist guide na si Carlos Celdran sa loob ng simbahan na tinawag na “Damaso” ang mga paring nagmimisa at ang iskandalo ng tinaguriang “pajero priests” pero wala na sigurong tatalo pa sa iskandalong ito.

Isang napakalaking sampal sa mukha ng mga Katoliko.

Kung meron mang isang bagay na dapat pagkaisahan ng mga Katolikong Filipino ay ito na, ang pagkondena sa ginawa ni Mideo Cruz at ng kanyang mga kasamahan.

Subukan kaya nila itong gawin sa Iglesia ni Cristo?

Bastusin kaya nila ang imahe ng tinitingala at pinagpipitaganang si Felix Manalo, ano kaya ang gagawin sa kanya ng kapatiran.

Subukan kaya niyang babuyin ang imahe ng Allah o ni Muhammad ng Islam.

Saan kaya siya dadamputin.

At bakit ito ginawa ni Mideo Cruz?

Para sumikat syempre.

Marahil hamon na rin ito sa simbahan at sa kanyang mga nasasakupan.

Dapat may aksyong gawin ang simbahan para huwag nang maulit ang pambabastos na ito. Dapat sampahan ng kaso si Mideo Cruz nang sa ganun

ay magkaroon ng tinatawag na “jurisprudence”, isang batayan sa batas na sisiguro na malinaw nang nakabalangkas para sa mga susunod na araw ang

hangganan at limitasyon at kaakibat na responsibilidad ng tinatawag na “kalayaan sa pamamahayag” o “freedom of expression” na masyado nang inaabuso sa mga panahong ito.

Hindi lang dapat isyu ito ng mga Katoliko, kundi isyu rin ng kahit anong relihiyon na nais pangalagaan ang kabanalan ng kanilang paniniwala.

Mag-text po kayo sa akin sa 09209280847 o mag-email sa: ariel.inton@gmail.com.  Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon sa isyung ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply