Itinatatwang bayaning pulis

HULYO 15, 2011, nakipagpalitan ng putok ang isang opisyal ng Quezon City Police District sa mga armadong kalalakihan na pawang nakasuot ng bonnet na pumasok at nagtangkang magnakaw sa BPI Bank sa Commonwealth Avenue sa lungsod.

Napakalaki ng bilang ng mga masasamang loob kumpara kay Chief Insp. Wilfredo Alfonso at dalawang kasamang babaeng pulis na nagkataong napadaan sa lugar nang maganap ang bank robbery.

Bagama’t maituturing na mag-isa, nagawang labanan ni Alfonso ang may 20 hanggang 25 armadong suspek na pawang hinihinalang may training o naging miyembro ng special forces.

Dumapa lang at halos hindi na kumilos ang dalawang baba-eng kasama ni Alfonso habang ang opisyal, ayon sa ilang vendor na nakasaksi, ay parang si Lito Lapid na walang habas na nakipagpalitan ng putok sa mga kalaban.

Para umanong nanonood sila ng sine, base sa salaysay ng mga nakasaksi, sa pakikipagpalitan ng putok ng baril ni Alfonso sa mga kalaban na pawang mahabang baril ang gamit habang ang bayaning pulis ay gamit ang kanyang kalibre .45 pistola.

Gugulong si Alfonso sa kalsada bago babangon at puputok bago dadapa ulit at gugulong bago pumutok.

Subalit maaaring ang totoong dahilan kung bakit nag-ala Lito Lapid si Alfonso ay dahil alam niyang i-counter ang style ng atake ng bank robbers na posibleng dating mga sundalo sapagkat si Alfonso ay miyembro ng Special Action Force ’93 class ‘01.

Sa pagtatanong pa sa vendors sa paligid, may mga nagrespondeng pulis mula sa station 6 o Ba-tasan Police Station subalit nagtakbuhan ang mga ito sa malapit na construction site.

Hinayaan nilang mag-isa ang kanilang opisyal sa pakikipagbarilan sa mga kalabang hindi mala-man kung nasaan dahil may nasa bangko at mayroon sa itaas ng overpass.

Ang masakit, daig pa ang kinurot sa singit, ay ang hindi pagkilala sa ginawang kabayanihan ni Alfonso na ibuwis ang kanyang buhay sa ngalan ng serbisyo sa bayan. Hindi man lang binigyan ng pagkilala ng kanyang hepeng si Supt. Ronnie Montejo ang pulis na ito. Mas masakit ang bintang na may kinalaman si Alfonso sa naganap na tangkang bank robbery sa BPI. Sa madaling salita, limot na bayani na ay inaakusahan pa.

Hay naku, National Capital Region Police office chief Dir. Allan La Madrid Purisima at QCPD director Chief Supt. George Tolentino Regis, makabubuti sigurong paimbestigahan ninyong mabuti lalo pa’t may nahuli namang suspek sa nasabing bank robbery.

Sakali, magandang bigyang pagkilala ang kabayanihan ng ating mga bayaning pulis upang sila ay maging modelo at pamarisan ng kanilang mga kasamahan at tauhan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply