Itlog ng gansa ay ginto

NATUTURETE na ang bayan – di mo na malaman kung sino ang paniniwalaan sa daluyong ng mga balita na kung tutuusin – lahat ay nakasasama sa magandang larawan ng ating bansa.

Ang walang katapusang imbestigasyon ng Kongreso sa lahat ng uri ng anomalya: pagnanakaw at hindi maayos na paggasta sa pondo ng gobyerno; conversion sa military funds; PCSO – Philippine Charity Sweepstakes Office scams sa charity at intelligence fund; at lahat ay may kinalaman sa pera – pera ng bayan na kinukulimbat at pinagpasasaan ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno, samantalang ang mga mahirap ay nakatanghod nang dilat ang mata at puro hangin at kabag ang laman ng mga gutom na sikmura.

Dapat na maging maliwanag ang lahat: ang mga senador – 200 million pesos, ang mga congressman – 70 million pesos. Ito ang kanilang tinatanggap bawat taon at pilit na ikinukubli sa salitang PDAF – Priority Development Assistance Fund, pero, ito ay maliwanag na pork-barrel. Ang malungkot na balita ay dinagdagan pa ang mga ito ng tig-30 million pesos bawat taon, kasama ang merong 20 governor sa iba’t ibang probinsiya.

Ang Pangulong Noynoy ay merong mahigit sa isang bilyong pisong social fund taun-taon. Ito ay maituturing ding pork-barrel at tanging nasa kanya ang desisyon kung saan at paano dapat na gastahin.

Ang mga GOCC – Government Owned and Controlled Corporation, bagamat nagkaroon ng pagbabago nang lagdaan ni PNoy ang isang batas, taglay parin ng PCSO at PAGCOR ang discretionary funds na nagsisilbing “personal kitty” nang walang maliwanag na guidelines at accountability.

Dapat na ang pork barrel at discretionary funds ay isama sa general appropriations act nang maiwasan ang hindi maayos na pagwaldas sa pera ng bayan. Ito ay trabaho ng Kongreso. Tanong: papayag ba ang mga legislator at si PNoy na pangunahan ang isang krusada na magiging kamatayan ng isang malusog na gansa na nangingitlog ng ginto?

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply