Kailangan: Consistency at political will

MARAMI na ang matatapang na Pinoy: Buo ang loob at matatag ang paninindigan na lumabas ng lungga at ilahad ang nalalaman sa iba’t ibang maseselan na isyu: pinasabog ang dayaan sa eleksiyon noong 2004 general at 2007 mid-term elections.

Ang pumiyok at kumanta ay sina dating Governor Zaldy Ampatuan ng ARMM– Autonomous Region in Muslim Mindanao at si Atty. Lintang Bedol, election supervisor ng Maguindanao. Ang utak at pasimuno umano ay si dating Pangulong Gloria na ngayon ay kongresista sa ikalawang distrito ng Pampanga.

Sige lang. Pero ang hinahanap ngayon ng bayan ay consistency. Halimbawa, ang umano ay talamak na korapsyon ng nakaraang administrasyon.

Si PNoy ay naging Presidente dahil sa kampanya laban sa katiwalian at anomalya sa iba’t ibang sangay ng gobyerno.  Ngayon na ang timon ay hawak ni PNoy, inaasahan ng bayan ang makabuluhang mga pagbabago.

At kung totoong nawala na ang korapsyon – bakit hanggang ngayon ay hindi ma-meet ng BoC– Bureau of Customs at bir – Bureau of Internal Revenue ang kanilang monthly target collections sa buwis? Something must be wrong somewhere at ito ang dapat pag-ukulan ng seryosong pansin ng gobyerno.

Ang gobyernong ito ay hindi dapat maging selective sa paghalungkat at pag-urirat sa mga bagay na dapat imbestigahan.

Bakit tuluyan nang nakalimutan ang Mendiola massacre at ngayon ay nakatuon sa karumal-dumal na krimen sa Maguindanao? Dahil ba sa ang masaker sa Mendiola ay naganap noong panahon ng dating Pangulong Cory? Bakit? Hindi ba mga Filipino rin ang namatay sa Mendiola?

Ipinangako ni Tita Cory na  ipamamahagi sa magsasaka ang Hacienda Luisita sa Tarlac. Pero, pagkatapos ng mahigit sa 26 na taon, wala pa ring nangyayari hanggang sa magpakalbo at mag-rally ang magsasaka sa Korte Suprema na nag-utos ng referendum na alam natin na nagagawan ng remedyo sa kultura ng maruming pulitika.

Wala na raw pakialam si PNoy sa Hacienda Luisita. Ito ay mahirap tanggapin at paniwalaan sapagkat ang may-ari ng hasyenda ay kanyang mga kamag-anak.

Kung talagang tutuusin, bilang isang Presidente kaya niyang iutos ang pamamahagi ng lupa, Tutal naman, ito ang tadhanain sa CARP – Comprehensive Agrarian Reform Program na lupa ang dapat ibigay at hindi stock certificates.

Ang kailangan ay political will at  consistency ng administrasyon ni PNoy sa mga bagay na mahahalaga.

Kung ito ay magagawa – lalo siyang mamahalin ng maraming Filipino.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply