Kalsada sa Mandaluyong ipapangalan kay Cardinal Sin

ISUSUNOD sa pangalan ng yumaong dating Manila Archbishop na si Jaime Cardinal Sin ang isang kalsada sa Mandaluyong City, kung saan dati itong nanirahan noong panahong aktibo pa ito sa paninilbihan sa Simbahang Katoliko.

Ang kalsada ay dating kilala sa pangalang E. Rodriguez Street.

Pormal itong tatawaging Jaime Cardinal Sin Street, matapos ang renaming rites bukas ng 5:30 ng hapon (Miyerkules, Agosto 31), kasabay nang ika-83 kaarawan nito.

Inaasahang dadalo sa seremonya ang mga opisyal ng Mandaluyong City, gayundin ang dalawa sa mga dating kalihim ni Sin na sina Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas at Antipolo Bishop Gabriel Reyes.

Ang naturang kalsada ay naka-intersect sa Shaw Boulevard, kung saan matatagpuan ang Villa San Miguel, na tinuluyan ni Sin noong ito ay arsobispo pa ng Maynila.

Isinulong ang ideya na ipangalan kay Cardinal Sin ang lugar matapos ang pagkamatay nito. Si Cardinal Sin ay isa sa itinuturing na bayani ng EDSA People Power Revolution.

Magiging highlight ng seremonya ang unveiling at blessing ng mga street signs na Shaw Blvd/Sin St; Pascual/Sin Streets; De La Paz/Sin Streets and V. Victorino/Sin Streets.

Mangunguna sa seremonya ay isang Mandaluyong City official, isang Church official, Mandaluyong parish priest at isang kaanak ni Cardinal Sin.

Ang naturang pagbabasbas ay isa rin umanong pamamaraan ng konsekrasyon sa lugar kung saan dating nanirahan ang isang hinahangaang tao.

Inaasahan ring dadalo sa seremoniya sina Bishop Francisco San Diego, Bishop Emeritus ng Pasig, Bishop Mylo Hubert Vergara ng Pasig, Bishop Honest Ongtioco ng Cubao, Bishop Ruperto Santos ng Balanga at Manila Auxiliary Bishop Bernardino Cortez.

Matapos ang pagpapasinaya at blessing, magkakaroon rin umano ng maikling entertainment program para sa mga residente sa lugar, photo exhibit at memorabilia ng Cardinal, kung saan kabilang ang vestment na isinuot nito at maging ni Blessed John Paul II. Makakaroon rin ng fireworks display.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply