Kaso ng dengue patuloy sa paglobo

INIULAT ng Department of Health (DOH) na nadagdagan pa ng 6,000 ang bilang ng mga dengue cases na naitatala sa bansa sa loob lamang nang nakalipas na dalawang linggo.

Sa pinakahuling data ng DOH, umabot na sa 45,333 dengue cases ang naitala sa bansa mula Enero 1 hanggang Agosto 6 ng taong ito at 267 sa mga ito ang kumpirmadong namatay.

Bagama’t nadagdagan naman ang dengue cases, nilinaw ni Dr. Eric Tayag, hepe ng National Epidemiology Center ng DOH, na ang nasabing kaso ay mas mababa pa rin ng 33.5 porsyento kumpara sa kahalintulad na petsa noong 2010.

Tiniyak din ni Tayag na patuloy ang kanilang monitoring sa mga lugar kung saan patuloy ang pagtaas ng mga kaso ng dengue tulad ng Ilocos, Central Luzon, at Southern Luzon.

Pinaalalahanan din ng health official ang mga mamamayan na maging maingat at alerto laban sa dengue.

Payo nito, ang mga nakararanas ng lagnat na inaabot na ng dalawa hanggang tatlong araw na gumamit ng formula “1-8-1” o kombinasyon ng isang litro ng tubig na may walong kutsara ng asukal at isang kutsara ng asin upang makaiwas sa dehydration limang beses sa loob ng isang araw.

Ilan sa mga sintomas na nasa kritikal na stage na ang dengue ay kung nakararanas ng pagsusuka, pananakit ng tiyan at pagdurugo ng ilong at gilagid.

Pinapayuhan din ni Tayag ang mga nakakaranas ng ganitong sintomas na agad magtungo sa ospital para maiwasan ang mas malalang komplikasyong tulad ng organ failure at brain infection.

Dagdag pa ni Tayag, walang immunity mula sa dengue kaya naman kahit nagkasakit na ng dengue noon ay maaari parin itong maulit kaya mahalaga pa ring mag-ingat laban sa nakamamatay na sakit. Kyle Gatus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply