Kaso ng dengue sa S. Cotabato bumaba ng 77%

IPINAHAYAG ng Provincial Health Office ng South Cotobato na bumaba na sa 77 porsiyento ang kaso ng mga nagkakasakit dengue sa buong lalawigan.

Sinabi ni Cecil Lorenzo, disease surveillance officer ng IPHO, na mula Enero hanggang Agosto mayroon lamang 458 ang naitalang kaso sa buong lalawigan na 77 porsiyento na mas mababa sa bilang ng mga kaso ng kaparehong panahon noong nakaraang taon na umabot ng 1,930.

Dagdag pa ni Lorenzo, nananatili pa rin sa isa ang kaso ng namatay sa dengue sa buong lalawigan ngayong taon.

Karamihan umano sa mga kaso ng dengue ngayong taon ay naobserbahan sa bayan ng Polomolok.

May mga kaso rin sa Koronadal City, at sa mga bayan ng Tupi, Sto. Niño at Lake Sebu.

Maliban sa Polomolok, matinding tinututukan ngayon ng IPHO ang bayan ng Tupi dahil nitong mga nakaraang linggo, nakitaan ito ng bahagyang pagdami ng mga kaso ng nagkakasakit sa dengue.

Gayunman, kampante si Lorenzo na kontrolado nila ang mga kaso ng dengue sa lalawigan sa tulong na rin ng mga mamamayan.

Patuloy rin ang kanilang mga adbokasiya at pagpapapaalala sa publiko na palagiing malinis ang paligid at siguraduhing walang maiiiwang lugar o bagay na maaaring pangitlugan ng mga lamok na may dala ng naturang sakit. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply