Katiwalian sa CCT kinumpirma ni Soliman

KINUMPIRMA ni Social Welfare Secretary Dinky Soliman na hawak na nila ang report ng Commission on Audit (COA) hinggil sa umano’y katiwalian sa Conditional Cash Transfer (CCT).

Ayon sa kalihim, inaalam na lamang nila kung sino ang dapat na managot sa natuklasang katiwalian.

Ang hakbang ng pamunuan ng Department of Social Welfare Development (DWSD) ay bunsod ng naging report ng COA na nagkaroon ng katiwalian sa implementasyon ng CCT program noong nakaraang administrasyon.

Sinabi ng kalihim na may mga inalis na sila sa listahan na umabot sa 155,900 na pamilya na natuklasang hindi kwalipikado sa programa.

Maghihigpit na rin ang ahensya sa pagpapatupad ng CCT program upang matiyak na talagang mahihirap na pamilya ang makikinabang sa programang pinondohan ng P21.2 bilyon para sa taong kasalukuyan.

Nasa 2.2 milyong pamilya na umano ang nakinabang sa programa mula sa 2.3 milyong pamilya na target para sa taong 2011.

Batay sa programa, makatatanggap ng hanggang sa P1,400 bawat buwan ang mga mahihirap na pamilya na kwalipikado sa CCT sa kondisyon na pag-aaralin ang kanilang mga anak at regular na magpapasuri sa doktor ang mga buntis.

Ang DSWD ay humihingi sa administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III ng P39 bilyon upang ipagpatuloy ang programa para sa susunod na taon na ang target ay tatlong milyong pamilya na mabibiyayaan ng tulong.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply